Sorpresang dumalo si Kris Aquino sa Tarlac grand proclamation rally ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo sa Tarlac City kagabi, March 23, 2022.
Bitbit ni Kris sa rally ang matalik niyang kaibigang si Angel Locsin at dalawang anak na sina Joshua at Bimby.
Laking tuwa ng grupo ni VP Leni at ka-tandem nitong si Senator Kiko Pangilinan sa suporta ng dalawang big names sa showbiz.
Read: Kris Aquino takes a swipe at ex-fiancé Herbert Bautista: "Di marunong tumupad sa mga pinangako."
Sa kanyang talumpati, ibinunyag ni Kris na noong namatay ang kapatid niyang si former President Noynoy Aquino, may nabasa siyang sulat nito para kay Robredo.
Gayunpaman, hindi na raw ito nagawang ipadala ni PNoy sa kapartidong si Leni.
Pumanaw ang dating Pangulo, sa edad na 61, noong June 24, 2021 dahil sa karamdaman sa kidney.
Lahad ni Kris, “Alam niyo po kung bakit ang puso ko na kay VP Leni, kasi po, I will reveal a secret kasi alam niyo naman ako madaldal.
“Noong namatay po si Noy, may sulat akong nabasa na in-address niya kay VP Leni.
“Hindi po naipadala ito but I will not reveal kung anong ibang laman nun dahil confidential na yun, pero merong isang paragraph na talagang tumama sa puso ko.
“Sinabi po ni Noy, sa lahat, meaning parang sinasabi niya sa lahat ng kapartido, ‘Sa 'yo ko nakikita na iisa ang pananaw, iisa ang vision, iisa...’ English po yung sulat, e, tina-try kong mas mabilis maintindihan.
“In other words, sinabi ni Noy na, ‘Sa 'yo ko nakikita yung sincerity, at yung ability na unahin ang mga tao bago sarili.’
“And alam niyo po nung nabasa ko yun, sinabi ko sa sarili ko, ‘You have to fight for her dahil sa kanya bilib si Noy.’”
Marami raw kaparehas na ugali ang kanyang kapatid at si VP Robredo, ayon kay Kris.
Aniya, “And totoo naman, e, marami silang qualities na pareho. Number 1, kahit na kung anu-ano nang ibinabato, hindi pumapatol.
“Hindi pa-picture nang pa-picture lang.
"Number 3, na pinakaimportante, sigurado ako na kagaya ni Noy, matuwid na daan dahil hindi nanakawin ang pera ninyo. Dahil nakita ko po kung gaano kasimple siya.”
Dito ay naghiwayan ang mga tagasuporta ng Leni-Kiko tandem na tinatawag ding Kakampinks.
“HINDI TALAGA AKO MAGPAPAPIGIL”
Sa kanyang Instagram account, sinabi ni Kris na talaga nais niyang magpakita ng suporta kay VP Leni sa Tarlac dahil tagaroon ang kanyang mga magulang.
Sabi niya, “Surprise! Sa probinsya kung saan nagsimulang manilbihan sa [PH] ang dad (mayor ng Concepcion, Vice Governor and Governor) at ang kuya ko,- Noy served 3 straight terms (1998-2007) as Congressman ng 2nd district of Tarlac… the district where Alto (our family compound) is located, definitely kuya Josh’s HAPPY PLACE.”
May karamdaman at kasalukuyang sumasailalim sa maraming gamutan si Kris, pero hindi raw siya nagpapigil sa kanyang mga doktor para ipakita ang suporta sa bise presidente.
Aniya, “Maraming ni nerbyos pero tinanggap na lang na hindi talaga ako magpapagil. Paalis na po kasi, isa pang XOLAIR sa Sunday, a few days of monitoring tapos lilipad na…
“matagal pong nasa ibang bansa para magpatingin, sumailalim sa marami pang tests, magpa treatment at kung kailangan mag pa treatment, kahit invasive- ready.
“Diba nga kung gusto gagawan ng lahat ng posibleng paraan?
“Maraming salamat Tarlac! Hindi kayo nang iwan, hindi nyo kami kinalimutan.”
Sa kanyang talumpati rin sa entablado, pinasaringan ni Kris ang kanyang ex-boyfriend na si Herbert Bautista, na tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng UniTeam nina presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte.
