Patuloy pa ring nakikipaglaban si Zoey Taberna, anak ng brodkaster na si Anthony Taberna at ni Rossel Taberna, sa sakit na leukemia.
Sa bagong update ng mag-asawa sa Instagram ngayong hapon ng Martes, March 22, 2022, makikitang nasa hospital bed muli si Zoey.
Hindi tinukoy ng mag-asawa kung ano ang dahilan kung bakit nasa ospital muli ang kanilang anak, ngunit posibleng may kinalaman ito sa medical procedure na isasagawa kay Zoey.
Sa caption, puring-puri ni Anthony ang katapangan ng anak.
Malaki rin ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nagdasal para kay Zoey.
Patuloy pa rin daw siyang makikiusap ng dasal para sa anak dahil hindi pa tapos ang laban nito.
Mensahe ni Anthony, “Salamat sa inyong pagmamahal sa isa't isa bilang magkapatid Zoey and Helga. Salamat, Mommy Sel.
“Salamat sa lahat ng kasama namin na nananalangin. Salamat sa Namamahala. Salamat sa Panginoong Jesus. Higit sa lahat, salamat po Ama.
“Hindi pa tapos ang laban kaya hindi pa rin po kami magsasawang makiusap, magtiwala at sumampalataya. Zoey, bilib kami sayo.
“Salamat sa inspirasyon at tapang! Happy birthday ( new birthday) sa iyo, Anak”
Sinamahan niya ito ng hashtags na “#teamstrong #fighting #fighter #bravegirls #sisters #tabernasisters #familiataberna”
Samantala, hindi malinaw kung bakit naka-hospital gown ang bunso nilang anak na si Helga.
View this post on Instagram
“PINAKAMATAPANG NA MIYEMBRO NG AMING PAMILYA”
Emosyunal din si Rossel sa kanyang hiwalay na post.
Nag-uumapaw ang kanyang pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng nagdasal para kay Zoey.
Ani Rossel, “Napakabuti ng Ama. [crying, praying emojis]
“Maraming salamat po sa lahat ng nananalangin para sa aming pamilya lalo na sa aming mga Anak.
“Damang- dama po namin ang inyong malasakit at pagmamahal.
“Napakarami na po naming pinagdaanan at simula pa lamang po ito ng paninagong pagasa. Salamat! Maraming salamat”
Ayon pa kay Rossel, si Zoey ang pinakamatapang na miyembro ng kanilang pamilya.
Patuloy kasi nitong nilalabanan ang kanyang karamdaman sa murang edad na labing-apat.
Saad niya, “Walang hanggang pasasalamat sa aking kabiyak @iamtunying28 ikaw ang dahilan kung bakit tayo matibay, sa aking walang kasing-bait at mapagmahal na bunso @helga_tbrna at sa pinakamatapang na miyembro ng aming pamilya @zasiazoey.
“Salamat sa buo naming angkan na gabi- gabi ay lumuluhod at nagpapanata kasama namin.
“Mahal na mahal po namin kayo.”
View this post on Instagram
Na-diagnose na may leukemia o cancer sa dugo si Zoey noong December 2, 2019.
