Mapanakit, punumpuno ng panghihinayang, at makadurog-damdamin ang "Pundi," ang bagong single ng multi-awarded singer at songwriter na si Yumi Lacsamana.
Hindi ito nakapagtataka dahil malalim ang sugat na iniwan sa kanyang puso ng breakup nila ng dating live-in partner na si Thyro Alfaro.
Tumagal ng walong taon ang relasyon nina Yumi at Thyro, pero tahimik silang naghiwalay.
Inamin din ni Yumi na noong nakaraang taon lamang siya naka-recover mula sa breakup nila ni Thyro, na may sariling pamilya na ngayon.
"It was a quiet breakup. Walang sigawan. Wala na kami, 2018 pa. Na-confirm lang yun nung nagka-baby na siya," pagtatapat ni Yumi.
Patuloy niya: "That was the confirmation because a lot of people, may mga nag-congratulate pa sa akin. Akala nila, ako ang ina.
"His family was saying sorry. Nung inilabas kasi yung baby, isa ako sa mga unang nakaalam.
"He sent a picture kasi ka-birthday ng mama ko yung anak niya."
"Pang-pelikula" ang pagsasalarawan ni Yumi sa kuwento ng pagmamahalan nila ni Thyro.
Pero hindi niya sinabi ang tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Lahad pa ni Yumi: "Siguro, talagang hindi talaga kami [para sa isa’t isa]. I need to accept it kasi dun ka mag-uumpisa na kailangan mong tanggapin na hindi nag-work.
"Pero it doesn’t mean na kailangan mong magalit sa kanya. And I’m always saying I won’t say anything negative about him.
"Hindi ko siya sisiraan. Bakit ko siya sisiraan? That person was once my happiness and we have great memories together.
"I’ve moved on last year. I can finally say na okay na talaga ako."
Naganap ang pagkukuwento ni Yumi tungkol sa malungkot na pagwawakas ng relasyon nila ni Thyro sa digital launch ng "Pundi," ang bagong single niya sa Viva Records.
TIME TO REST
Ayon pa kay Yumi, ang breakup nila ni Thyro ang isa dahilan ng pansamantalang pamamahinga ng 33-year-old songstress nitong nakalipas na tatlong taon.
"Nagpahinga muna in my own music. Bumubuwelo pa ako to write for myself because kapag talagang dumaan ka sa ganoon...
"Ang totoo niyan, umiwas muna talaga ako sa path. When you’re moving on, you will try to detach or go through another path for you to refocus yourself, reassess yourself."
Malinaw na nag-a-adjust pa si Yumi lalo na't kilala sila ni Thyro bilang tambalan sa paggawa ng musika.
"Tutal, nandito kami pareho, siguro medyo mag-focus muna ako sa acting or kanta muna ako mag-isa and try to do everything on my own because mahirap ma-aano… yung shadow namin together.
"But the tandem is still there, the duo, pero medyo lilihis lang ako nang konti," ani Yumi.
Read: Thyro and Yumi's R&B song "Triangulo" wins big in Philpop 2015
LAST COLLAB TOGETHER
Walang break-up song na isinulat si Yumi nang maghiwalay sila ni Thyro.
Pero may isang kanta na magkatulong nilang isinulat, ang "Matututunan Din Nila Akong Mahalin."
Ginamit ito bilang isa sa mga original sound track ng Jowable, ang blockbuster movie ni Kim Molina noong 2019.
"After the breakup, ang nasulat na kanta ay kami pang dalawa ang gumawa. And that song, kahit papaano, is about me.
"Medyo mahirap siya on my part, lalo na recording it.
"I won’t lie na when I was recording that song and singing it when he was there, recording me, it’s a bit painful.
"But then again, I need to be professional at that time. Dun ko na-realize na kaya kong makipagtrabaho sa kanya."
Bakas daw sa kantang iyon ang sakit ng breakup nila.
"Siyempre, kailangan kong kantahin nang buong puso. All the emotions. Sabi ko, paano ko ba ito kakantahin?
"Sabi ni Thyro, ‘Parang naiiyak ka na.’
"You can listen to the song and there’re parts na hindi niya inalis na my voice was shaking."
Dahil sa kuwento ni Yumi, pinakinggan namin ang "Matutunan Din Nila Akong Mahalin" na mabigat sa dibdib dahil kahihiwalay pa lamang nila ni Thyro nang i-record niya ang nabanggit na kanta.
YUMI WANTS SARAH TO PORTRAY HER LIFE
Kung sakaling isasadula sa telebisyon ang love story niya, si Sarah Geronimo ang gusto ni Yumi na gumanap sa katauhan niya.
Magkaibigan sila ni Sarah na umawit sa "Kilometro," na isa sa mga hit composition nina Yumi at Thyro.
"I think she can portray myself bilang nakatrabaho at kilala niya ako.
"And now, she’s willing to write songs with us. Kumbaga, kahit papaano, may personal kaming relasyon ni Sarah.
"Isa siya sa mga affected nung nalaman niya na wala [na kami ni Thyro]."
Ibinahagi pa ni Yumi kung paano pinalakas ni Sarah ang loob niya.
"Ang message niya sa akin, every day para pagaanin ang loob ko. Nagpapadala siya ng mga quote, parang, 'Kaya mo ‘yan. Hindi naman ‘yan ibibigay ni Lord kung hindi mo kaya.'
"Very Sarah. She’s very nice. Personal ko kasing nasabi sa kanya, so yung mga message niya sa akin, naging personal din.”