Bumisita pero hindi inendorso.
Ito ang eksena nang mangampanya ang presidential candidate na si Senator Panfilo "Ping" Lacson at ang vice presidential candidate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Pasig City nitong Miyerkules, March 9, 2022.
Mainit ang pagtanggap sa kanila ni Pasig Mayor Vico Sotto, pamangkin at inaanak ni Senator Sotto.
Sina Ping at Tito ang standard bearer ng Partido Reporma ngayong 2022 elections.
Kasama ring bumisita sa opisina ni Mayor Vico ang ama nitong si Vic Sotto, kapatid ni Tito, at si senatorial candidate Gringo Honasan.
Inusisa si Mayor Vico kung ang pagbisita ng kanyang tiyuhin at ni Lacson ay nangangahulugang pag-endorso sa kanila.
“Hindi. Nag-promise ako, di ba?” makahulugang tugon ng alkalde sa ABS-CBN News Digital.
Si Mayor Vico ang executive vice president ng Aksyon Demokratiko, na ang standard bearer ay si presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno.
Tinanong ng reporters si Senator Sotto kung ano ang "promise" na tinutukoy ng pamangking si Mayor Vico.
Ang sagot niya: “Secret.”
Nauna nang nagsabi si Mayor Vico na hindi siya makikialam sa national politics.
Nauunawaan naman daw ito nina Tito at Ping.
VIC SOTTO SAYS NOTHING POLITICAL
Sa kabilang banda, na-interview rin si Vic at nilinaw niyang “nothing political” ang pag-uusap ng kanyang anak kasama sina Tito at Ping.
Gayunpaman, makahulugan ang binitawang salita ng Eat Bulaga! host.
Ani Vic: “Si Vico anak ko, di ba? Tinanong ko lang kung saan maluwag, kung kailan maluwag ang schedule niya.
"Of course, hindi naman sila nagkakaiba ng mga adbokasiya, mga gusto mangyari sa gobyerno, gusto ayusin sa gobyerno.
"Kuwentuhan lang naman, nothing political. Kayo na ang bahalang mag-decipher kung ano," sabi ni Vic.
Hindi naman nalalayo ang pahayag nina Senator Sotto at Senator Lacson sa pahayag ni Vic.
Ani Tito sa press, “Pinakamaganda na yung nangyari… na kami po ay tinanggap ni Mayor Vico sa aming pagbisita sa kanya…"
Biro pa niya, “At ang aming campaign manager sa Pasig, si Vic Sotto.
“I think it’s more than enough. It says a thousand words.”
Ayon naman kay Lacson, ang kanyang mga isinusulong na plataporma ay “naka-align” sa mga ginagawa ni Mayor Vico sa Pasig City.
“Maski hindi expressly pinag-usapan kanina, meeting of the minds, nagkakaintindihan na iyon.
“Iisa yung advocacy, yung clean government, anti-corruption…” saad niya.
