Hindi nawawala ang pagiging malikhain ng isang tao kahit nasa loob siya ng bilangguan.
Kaya naman, pinapayagan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Warden Aris Williamere Villaester ang mga bilanggo, o persons deprived of liberty (PDL), na lumikha ng kanilang obra.
Bukod kasi sa nagagamit pa rin nila ang kanilang skill, may paraan pa sila para kumita nang extra.
Sinimulan ni Warden Aris ang proyektong ito noong 2016 nang ma-assign siya sa Tagaytay City Jail.

Ayon kay Warden Aris nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via email noong March 2, 2022, nagsimula ang proyekto bilang isang livelihood program.
“Kalaunan, naging isang pangunahing pinagkukunang pinansiyal ito ng iba pa naming programa katulad ng ‘Sponsor a Release Program’ na kung saan ay tinutulungan naming makalaya ang isang PDL sa pamamagitan ng pagpipiyansa sa kanyang mga kaso o pagbayad sa kanilang mga fines.”
Dalawang PDL na artist lang noong una ang gumagawa ng paintings. Nang tumaas ang demand dahil sa ganda ng kanilang mga gawa, napagdesisyunan nilang bumuo ng grupo.
Ani Warden Aris, “Wala pong range ng age ang pagiging miyembro. Hangga’t kaya nilang gumawa at magpinta ay maaari silang mapabilang sa grupo."
Kahit hindi pa masyadong marunong magpinta ay tinatanggap din nila.
“Hangga’t nagpapakita sila ng interes sa pag-paint ay binibigyan natin silang lahat ng pagkakataon.”
ART MATERIALS
Kuwento ni Warden Aris, karamihan sa mga PDL na artist ay gumagamit ng acrylic paint bilang medium. May iba naman na sumusubok ng ibang materials at medium para maging mas unique pa ang kanilang mga obra.

“Bilang tagapamahala ng nasabing proyekto, kami na po, kabilang ang buong kinakatawan ng jail, ang nagbibigay ng mga gagamiting materyales.
“At may mga pribadong organisasyon din po na tumutulong sa amin, kagaya na lang po ng Rotary Club of Tagaytay City.”
Depende naman sa tema ng painting kung gaano ito katagal matapos.
“May painting na medyo madetalye kaya inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw bago matapos.”
Isa pa aniya sa maganda sa proyekto, natutulungan din nito ang ibang PDL na marunong sa carpentry at iba pang artistic endeavours.
“Kaya naman meron din tayong grupong gumagawa ng frame, istante, at ibang gamit sa pagpipinta.”
PRESYO NG MGA PAINTINGS
Ang mga namumuno sa jail at ilang personnel na rin ang namamahala sa marketing ng mga obra.
Ani Warden Aris, “Ito po ay sa pamamagitan ng pagpo-post sa mga social media platforms gaya ng Facebook, Instagram, Twitter, at iba pa.
“Nagkakaroon din po kami ng exhibit at subastahan sa iba’t ibang lugar.”
Last February, nagkaroon sila ng sale kung saan ang bawat painting ay nagkakahalaga ng PHP2,500.

Pagbabahagi pa niya, may mga panahon na mataas ang sales, pero hindi rin maiwasan na minsan ay mababa.


“Nakadepende po kasi minsan sa artistic interest ng mga bumibili.
“Kadalasan, ang mabentang painting ay yung mga simpleng gawa lamang ngunit may malalalim na kahulugan kung saan nire-represent nito ang pagkatao ng artist.”
KITA SA PAINTINGS
Masayang pagbabahagi ni Warden Aris, ang kita ng proyekto ay may kanya-kanyang pinaglalaanan.
“May parte para sa gumawa ng painting, may parte para sa mga materyales, at may parte para sa iba pa naming programa kagaya ng Sponsor a Release Program at Seeds for Life Program.”
Nagbibigay rin sila sa charity. Kabilang ang mga biktima ng Typhoon Odette sa nakatanggap ng donasyon mula sa benta ng mga artworks ng mga PDL.
Dagdag pa niya, simula nang maranasan ng mga PDL artists na kumita, maraming nagka-interes na sumali sa grupo.
“Sa kadahilanang hindi lamang sila kumikita, naaliw pa nila ang kanilang mga sarili kumpara sa nakatambay lang sila sa loob ng kanilang mga selda.”
MAY PAGKAKAKITAAN KAPAG NAKALAYA NA
Sa kasalukuyan ay naka-assign si Warden Aris sa BJMP General Trias, Cavite. Itinuloy niya rito ang kanyang proyekto.
Aniya, ang pinaka-role niya bilang warden ay tiyakin ang well-being ng mga PDL at ang pagbibigay sa mga ito ng moral at spiritual support.
Ipinaparamdam din niya sa mga PDL na mayroon silang pamilya sa loob ng jail.
“Ang ibinigay kong support para sa grupo ng mga artist ay ang siguraduhing kumpleto ang kanilang materyales sa pagpipinta, at ang pagbibigay ng maayos na lugar na kanilang pagpipintahan.
“Sinuportahan ko ang kanilang mga talento dahil kikita sila at makatutulong sila sa kanilang mga pamilya kahit andito pa sila sa loob ng jail.”
Dagdag pa niya, napakaganda ng epekto ng proyektong ito sa mga PDL.
“Isa dito ay ang hindi inaasahang pagdiskubre ng kani-kanilang talento sa sining at sa iba pang mga bagay na kanilang pwedeng pagkakitaan kapag sila ay nakalaya na.
“At higit sa lahat, ang mabigyan sila ng pagkakataong magbagong buhay kung sakali man na sila ay karapat-dapat mapabilang sa proyektong Sponsor a Release Program.”
