Apat na buwan nang may karelasyon si Thea Tolentino.
Ito ang rebelasyon ng Kapuso actress sa presscon ng pelikulang Take Me To Banaue kung saan isa siya sa mga main cast members.
Ayaw i-reveal ni Thea ang pangalan ng non-showbiz boyfriend niya dahil pribadong tao raw ito.
Sa tanong naming kung businessman, estudyante o politician ang boyfriend niya, natatawang sagot ni Thea, “Ngayon, work-from-home po muna siya.”
Karamihan sa mga netizens ngayon ay sa bahay muna nagtatrabaho dahil sa nausong new normal na work-from-home dahil sa pandemya.
Ang kapwa niya Kapuso na si Juancho Trivino ang nagpakilala kina Thea at sa kasalukuyan niyang kasintahan. College friend ni Juancho ang lalaki.
Taga-Laguna rin ang boyfriend ni Thea tulad din nina Thea at Juancho, at 2014 pa lang daw ay kakilala na ni Thea ang guy.
Nagsimula sila bilang magkaibigan.
“Na hindi masyadong nag-uusap, kaya para sa aming dalawa, shocking,” at tumawa si Thea.
Maituturing na pandemic love affair ang umusbong sa pagitan nilang dalawa, pero nagkikita naman raw sila regularly.
Sambit ng Kapuso actress, “Like normal, kasi ako taga-Calamba tapos siya taga-Laguna rin.”
Pinapraktis daw nila ang health and safety protocols tuwing nagkikita sila na isa pa rin sa mga nauso gayong pandemya na dulot ng COVID-19.
Sa tingin raw ni Thea ay ang guy na ang “the one” para sa kanya.
“Hindi po imposible yun,” reaksyon ni Thea nang sabihin namin na four months pa lamang ang kanilang relasyon.
“Depende po talaga kapag nahanap mo na talaga yung the one.”
Twenty-five years old si Thea at twenty-eight naman ang boyfriend niya.
THEA AUDITIONED FOR HER MOVIE ROLE
Samantala, nag-audition si Thea para sa role niya bilang si Jinky sa Take Me To Banaue.
Kuwento niya, “Binigyan po kami ng isang scene, isa sa mga highlights nung movie, 'tapos yun yung shinoot ko, 'tapos ipinadala ko, 'tapos nag-Zoom meeting kami nina direk and yun nga, sinabi na nakuha ako to play the role of Jinky.
“I’m really happy, feeling ko talaga I was chosen for this role kasi I have enough tools, naipakita ko yun sa audition ko, talagang nakatulong sa akin.”
Nagpapasalamat si Thea sa mga workshops niya sa GMA sa ilalim nina Anna Feleo at Anthony Bova.
Pag-amin niya, “Kapag hirap na hirap ako, tatawag ako kay Ate Anna, dun ako na-inspire para mas ibigay lahat sa audition ko.”
“Talagang sobrang nakatulong sila sa akin.”
THEA EXCITED TO VISIT BANAUE
At timing din na katatapos lamang ni Thea ng lock-in taping niya para sa upcoming GMA series na Lolong kaya puwede siyang mag-shoot para sa Take Me To Banaue.
Unfortunately, baka hindi raw kasama si Thea sa mga eksena na kukunan sa Banaue dahil sa Baguio kukunan ang mga eksena ni Thea bilang si Jinky.
Hindi pa raw siya nakakapunta sa Banaue.
“Iniisip ko nga parang gusto kong sumama sa kanila sa Banaue kahit wala akong isu-shoot doon. 'Tapos, nag-Google maps ako ng Banaue akala ko malapit lang sa Baguio, six hours pa pala,” at natawa si Thea.
Personal naming nakapanayam si Thea sa presscon ng Take Me To Banaue nitong March 3, Huwebes sa Pandan Asian Café sa Sct. Limbaga St. malapit sa T. Morato Ave., Quezon City.
FIL-AM PRODUCTION VENTURE
Ang Fil-Am movie na Take Me To Banaue ay mula sa Carpe Diem Pictures, isang independent movie production na based sa U.S.
Tampok rin sa Take Me To Banaue sina Maureen Wroblewitz (bilang Grace), ang American actors na sina Brandon Melo (bilang Hank) at Dylan Rogers (bilang Jordan), at sina Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa (bilang Paloma) at ang Kapuso comedian-TV host na si Boobay (bilang Rocky).
Ang director/producer ng pelikula ay si Danny Aguilar, isang Filipino-American na naka-base sa Dallas, Texas sa USA. Ito ang kanyang directorial debut.
Katuwang niyang isinulat ang screenplay ng Take Me To Banaue si Jason Rogers, at si Monch Bravante ang kanilang line producer.
Ang setting ng pelikula ay sa Baguio City at sa Banaue, Ifugao province.
