Masakit at kontrobersiyal ang pinagdaanan nina Kristoffer Martin at AC Banzon bago sila kinasal.
Pero nakukuha na nilang pagtawanan ito ngayon.
Isa si AC sa choices sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga! noong February 25, 2022, at sa isang punto ay sinamahan siya ni Kristoffer sa stage.
Si Kristoffer ay Kapuso actor, habang si AC ay nagtatrabaho sa banko.
Na-hotseat sila nang usisain ng Dabarkads kung paano ang dynamics nila bilang couple.
Tanong ni Paolo Ballesteros, apektado ba si AC kung may fans na nagpapa-cute kay Kristoffer.
Natawang hirit ni AC, "Ay, okay lang po yun. Pero yung sa work..."
Malaman ang pahayag ni AC at hindi ito nakaligtas kay Maine Mendoza.
"Pag-usapan natin ito. Gusto kong marinig ito. Kinakabahan si Kristoffer," biro ni Maine.
Sabay nilaglag ni Maine ang tungkol sa breakup ng couple noon.
"Hindi naman sa nanghihimasok ako, manghihimasok na rin ako.
"Di ba, medyo naghiwalay kayo? Napag-usapan naman yun ng publiko. Paano kayo nagkaayos?" usisa ni Maine.
Nagkabiruan muna ang Eat Bulaga! hosts at si Kristoffer bago tuluyang sumagot si AC.
Aniya, "Matagal din bago kami nagkaayos. Kasi seven months kaming naghiwalay.
"And then, nag-reach out... 'Coz we have a daughter, so we had to talk talaga. Regarding that lang nung una. And then..."
Naputol ang sasabihin ni AC dahil panay ang kulitan sa studio.
Maya-maya pa, ipinaliwanag ni AC kung paano bumalik ang tiwala niya kay Kristoffer nang suyuin siya ulit nito.
"Hindi madaling ibalik yung trust, pero he earned it, unti-unti.
"Last na winorkout niya sa parents ko. Kasi, more than my trust, mas nasira niya yung trust ng parents ko.
"Prinesent niya yung sarili niya na willing siya magbago, willing siyang ayusin lahat," pag-amin ni AC.
Nakita raw ni AC ang sinseridad ni Kristoffer kaya pumayag siyang maging sila ulit.
Inamin ni AC na noong una ay kontra ang mga magulang niyang magbalikan sila ni Kristoffer.
"Hindi po naiwasan iyon. Siyempre, sasabihin nila, 'Kapag nagawa na, kaya uli gawin.'
"Sabi ko na lang, 'Pag nadapa ako uli, tatayo na lang ako uli."
Hindi na dinagdagan pa ni Kristoffer ang kuwento.
"Smile na lang ako," anang aktor.
THE INFIDELITY ISSUE
Nagkahiwalay sina Kristoffer at AC ng pitong buwan dahil sa isyung third party.
February 2021, isiniwalat ni AC sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na si Kristoffer ang nakipag-break sa kanya.
Lubos siyang nasaktan dahil pitong taon silang magkarelasyon at mayroon silang anak na noo'y four years old.
Kinalaunan, naiulat na dawit ang kapwa Kapuso star ni Kristoffer na si Liezel Lopez. Nagkasama silasa afternoon drama series na Babawiin Ko Ang Lahat.
Anim na buwang naging magkasintahan sina Kristoffer at Liezel, hanggang sa noong July 2021 naiulat ang hiwalayan nila.
Kasabay noon ay naiulat ding nanumbalik ang unawaan sa pagitan nina Kristoffer at AC na magkasamang nagbakasyon sa Bohol.
Nalampasan nga nina Kristoffer at AC ang kontrobersiyang dinaanan nila.
Ikinasal sila sa city hall ng Capas, Tarlac, noong February 3, 2022.
Read: Kristoffer Martin marries non-showbiz partner AC Banzon
