Maituturing na "comebacking kontrabidas" ng First Lady sina Glenda Garcia at Maxine Medina.
Nagmula ang kanilang mga character sa First Yaya, kung saan gumanap si Glenda bilang si Marnie Tupaz at si Maxine naman ay si Lorraine Prado.
Ang karakter ni Maxine na si Lorraine ay head na ng PR department ng Presidente.
Kung sa First Yaya na malditang-maldita siya at laging inaaway si Melody Reyes-Acosta, na ginagampanan naman ni Sanya Lopez, mas mabait na ba ang karakter niya?
Sagot ni Maxine, “Actually, well andun pa din yung pagkakakilala ninyo kay Lorraine, pero this time around, I’m a little bit of like, friendly, but not?
“Pero iyon ang gusto kong abangan ninyo sa First Lady.”
Natatawa pang pagtuloy ni Maxine, "Ayoko po kasing i-detail kasi surprise po siya, iyon po. Pero for sure hindi ko na siya [Melody] aawayin, promise."
Kaabang-abang raw ang mga pasorpresang eksena ni Lorraine.
Para naman kay Glenda, ganun pa rin ang karakter niyang si Marnie Tupaz, nag-iba nga lang ang kanyang mga kakampi at kaeksena.
Pahayag ng aktres tungkol sa kanyang karakter, “Isa pa rin ang gusto niya, ang mapabagsak si President Glenn Acosta. Nawala man si Speaker Prado na kakampi niya, may bago naman siyang kakampi sa katauhan ni Attorney Ingrid Domingo, played by Alice Dixson.”
Ang Speaker Prado na tinutukoy ni Glenda ay ang karakter na ginampanan ni Gardo Versoza sa First Yaya.
Wala na si Gardo sa cast ng First Lady at sa ngayon ay kasama naman siya sa Book 2 ng Agimat Ng Agila ni Ramon “Bong” Revilla Jr.
“Ang madalas kong kaeksena ngayon dito sa First Lady ay si Alice at si Divine,” pagpapatuloy pang kuwento ni Glenda.
Ang komedyanang si Divine Aucina ay gumaganap bilang si Bella, ang assistant ni Presidential Chief of Staff Yessey Reyes, na ginagampanan naman ni Thou Reyes.
Kabilang si Divine sa mga bagong dagdag sa cast ng First Lady, kasama ang mga bagong kontrabidang sina Samantha Lopez (bilang Ambrocia Bolivar), Isabel Rivas (bilang Allegra Trinidad), Francine Prieto (bilang Soledad Cortez), at Shyr Valdez bilang beteranang household staff na si Sioning.
Male lead sa First Lady si Gabby Concepcion bilang Glenn Acosta. Gumaganap naman bilang pamilyang Acosta sina Pilar Pilapil bilang Blesilda Acosta; Cassy Legaspi bilang Nina Acosta; Patricia Coma bilang Nicole Acosta; Clarence Delgado bilang Nathan Acosta.
Tampok rin sa First Lady sina Boboy Garovillo bilang Florencio Reyes; Sandy Andolong bilang Edna Reyes; Analyn Barro bilang Gemrose Reyes-Garcia; Jerick Dolormente as Lloyd Reyes; Pancho Magno bilang si Conrad Enriquez; JD Domagoso bilang Jonas Clarito; Kakai Bautista bilang Pepita; Kai Cortez bilang Norma; Thia Thomalla bilang Valerie "Val" Cañete-Enriquez; Jon Lucas bilang Titus de Villa; Anjo Damiles bilang Jasper Garcia; Kiel Rodriguez bilang Paul Librada, at Muriel Lomadilla bilang Bevs.
Ang First Lady ay sa direksiyon nina LA Madridejos at Rechie del Carmen, at napapanood weeknights sa GMA.
