Bidang-bida si John Arcilla sa 6th Film Ambassadors' Night (FAN) sa Pebrero 27, Linggo, sa makasaysayang Manila Metropolitan Theater (MET).
Ipagkakaloob ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) kay John at sa pelikulang pinagbidahan niyang On The Job: The Missing 8 ang Camera Obscura Artistic Excellence Award.
Iyon ang pinakamataas na parangal ng FDCP na iginagawad sa mga filmmaker o pelikulang nagkamit ng katangi-tanging tagumpay.
Kaugnay ito sa Volpi Cup (best actor) na natamo ni John sa 78th Venice International Film Festival.
Kabilang din si John sa tatlong kikilalanin sa kategoryang A-List. Ang dalawa pa ay ang mga pelikulang Whether The Weather Is Fine (Kun Maupay Man It Panahon) ni Direk Carlo Franciso Manatad, at ang ang Gensan Punch ni Brillante Mendoza.
Ang On The Job: The Missing 8 ni Direk Erik Matti ay kabilang din sa labintatlong (13) pelikula na nasa kategoryang A-List Citation.


Simple ang basehan ng FDCP sa pagpili ng honorees sa iba’t ibang kategorya.
“Number one, they competed in a festival na annual, tapos, more than two years nang nagra-run,” pahayag ni FDCP Chair and CEO Liza Diño nitong Pebrero 2, Martes ng hapon, sa Max’s Sct. Tuason St., Quezon City.
“Meron siyang akmang physical event. Tapos, cinategorize namin sila. Halimbawa, nanalo sila sa short film category, dun namin sila inilagay.
“Tapos, yung ibang nanalo talaga sa A-List… kasi, yun talaga, ang hirap salihan nun, di ba — inilagay sila sa A-List category.
“Hindi kami namili. Sila yung nanalo. Kumbaga, ginather lang natin sila. We just give them the opportunity para makilala dito sa Pilipinas na, ‘Eto, o! These are the people working hard kahit na pandemic.”
CAMERA OBSCURA AND A-LIST
Dalawa ang pagkilala kay John Arcilla — Camera Obscura Award mula sa FDCP mismo, at A-List.
“Iyong Camera Obscura, ito yung mga tao o entity na nagbe-break ng barriers para mas makilala tayo globally,” paliwanag ni Chair Liza.
“And with the Volpi Cup award ni John, tapos yung ginawa ng On The Job na right now, ibinalik nila yung value ng Filipino films, tapos naging content siya sa HBO.
“Ano iyon, ibig sabihin, they’re updated with the times, di ba? They can turn the feature into a series, because they understand the global market.
“And we have to follow through with those kinds of strategies.”
Kumpirmadong dadalo sa 6th Film Ambassador’s Night si John Arcilla, maging si Dondon Monteverde na co-producer ng On The Job: The Missing 8. Nasa abroad daw si Direk Erik Matti.
Nasa A-List din ang Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon) dahil sa napakaraming pagkilala nito sa mga pinakamalalaking international film festivals —74th Locarno Film Festival sa Switzerland, Guanajuato International Film Festival sa Mexico, 46th Toronto International Film Festival (TIFF) sa Canada, at 52nd International Film Festival ng India.
Nagbaon din ng mga parangal mula sa mga pangunahing film fests ng Asya ang GenSan Punch — 34th Tokyo International Film Festival sa Japan, at dalawang award mula sa 26th Busan International Film Festival ng South Korea. Streaming din sa HBO ang GenSan Punch.
GABAY NG INDUSTRIYA
Ang Gabay ng Industriya Award (Ilaw ng Industriya at Haligi ng Industriya) ay ibinibigay sa mga natatanging indibidwal na may kinikilalang kontribusyon sa kanilang buhay at larangan, at naging mga iginagalang na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Ang Ilaw ng Industriya ay si Rosa Rosal, na tinaguriang “Original Femme Fatale of Philippine Cinema.”
Sa 2021 Metro Manila Film Festival ay ipinagkaloob kay Rosa Rosal ang Manay Ichu Vera Perez Memorial award.
Ang Haligi ng Industriya ay ang film producer na si Jesse Ejercito, na dating deputy director general ng Film Academy pf the Philippines, at dating presidente ng Philippine Motion Picture Producers Association.
Hindi makakadalo sina Rosa Rosal at Jesse Ejercito, bagkus ay tatanggapin ng kani-kanyang pamilya ang parangal.

SPECIAL CITATION
May mga kumuwestiyon sa Special Citation kay Vice Ganda para sa game show na Everybody, Sing! ng ABS-CBN.
“He won in the Asian Creative Academy, so we have to celebrate him, di ba? I mean, iba kasi yung national nominee compared with an international awardee,” saad ni Chair Liza.
“Meaning, he actually won and bested among the Asian nominees. He deserves to be honored.”
Nanalo si Arjo Atayde sa Asian Creative Academy para sa iWant TFC series na Bagman, at ni-recognize ito ng FDCP last year sa FAN.
May taping daw si Vice Ganda sa Linggo kaya malabo raw itong makapunta sa MET.

A-LIST CITATIONS AND OTHER MULTIPLE HONORS
Sa labintatlong (13) pelikulang kikilalanin sa A-List Citation, dalawa ay obra ni Khavn de la Cruz — Gunam-Gunam X Guni-Guni (Rumi X Phantasm) at Love Is A Dog From Hell. Ang isa pang pelikula ni Khavn de la Cruz na Balangiga: Howling Wilderness ay pararangalan din sa Feature Films category.
Kung may pelikula si Brillante Mendoza sa A-List (GenSan Punch), meron din sa A-List Citation (Resbak).
Pahayag pa ni FDCP Chair Liza, “We named them Film Ambassadors because they represent our cinema.
“Pino-promote po nila ang ating pelikula sa iba’t ibang parte ng mundo sa pamamagitan ng pagsali sa mga international film festival all over the world.
“In terms of criteria, ang criteria po namin ay nandun sa festival na kinabilangan nila…
“Ang tinitingnan po natin ay ang eligibility ng mga film festival that they are part of para lang po magkaroon ng equal footing ang lahat ng mga festival…
“Ngayon po, there are more than 7,000 film festivals all over the world. Kaya kailangan pong may documentation.
“We wanna make sure na ang mga nasasalihan po nating film festival ng mga filmmakers natin ay legitimate po.
“Dahil while we celebrate everyone who are out there representing our cinema, we wanna make sure din po na they are representing the country in these very important film festivals na legitimate po.”
Kaya may iba’t ibang kategorya sa Film Ambassador’s Night ay upang ma-recognize na napakahirap makapasok sa A-List filmfest.
Pagpapatuloy ni Chair Liza, “We put them (A-List) in a separate category because our hope and our goal is for each of our filmmakers to see this and to be inspired by what our filmmakers are doing when they compete in A-List film festivals.
“Kaya isinama po natin yung A-List Citation, na kahit hindi po sila nanalo sa A-List film festival — to be part of an A-List film festival is a huge feat, especially in the world of film festivals.
“Pag lumabas po kayo sa ibang bansa, makasama lang po at makapag-compete lang ang Filipino film in these recognized and celebrated A-List film festivals, it’s a huge achievement for our country.”
Ang In The Name Of The Mother ni Direk Joel Lamangan ay kabilang sa siyam na pelikulang kikilalanin sa Feature Films category. May pagkilala rin ito sa kategoryang Creative Awards (para sa scriptwriter na si Eric Ramos), at Actors (para sa bidang si Snooky Serna).

Hopefully ay maipalabas na ang In The Name Of The Mother bilang Mother’s Day pressntation ng Heaven’s Best Entertainment.
Kumpirmadong dadalo sa 6th Film Ambassador’s Night si Snooky, ganundin sina Janine Gutierrez, Glaiza de Castro, Jasmine Curtis-Smith Anna Luna, Rogelio Balagtas, at Julio Sabenorio.

