Walang bahid ng pagkadismaya o lungkot si Badjao Girl Rita Gaviola sa pagkatalo niya sa beauty contest ng It’s Showtime, ang noontime show ng ABS-CBN.
Daily winner si Rita, 18, ng Lucena City sa “Showtime Sexy Babe” noong February 17, 2022.
Dahil dito, automatic siyang pasok sa weekly finals na ginanap noong February 19, Sabado.
Pero hindi pinalad si Rita, at siya ang nakakuha ng pinakamababang scores sa limang naglaban-laban.
Gayunpaman, masaya na si Rita sa kanyang narating lalo't “first time” niyang subukan ang pagsabak sa pageant.
Si Rita ay nag-viral noon na binansagang Badjao Girl na namamalimos sa kalsada.
Naging housemate siya sa Pinoy Big Brother Lucky 7 noong 2016.
FIRST-TIME TO TRY PAGEANTRY
Ilang oras pagkatapos matalo sa weekly finals ng “Showtime Sexy Babe” noong Sabado, nag-Facebook live si Rita.
“Gusto ko lang mag-thank you sa lahat po ng nanonood ng ‘Sexy Babe,’” bungad niya.
“Hindi man tayo pinalad na maging weekly ano [winner]... at least nakapasok naman ako sa unang ano [daily round]…”
Para kay Rita, achievement na ang maging daily winner. Hindi raw niya ito inasahan.
“Natutuwa lang ako kasi alam niyo naman first time kong sumali sa ganun.
“Gusto ko lang mag-try, pero hindi ko in-expect na nakapasok pa rin ako.
“So, ayun, sobrang thank you kasi dahil sa inyo kaya ako nakapasok doon.
“Hindi man tayo pinalad sa final, pero ayun, sobrang thank you kasi na-experience ko na yung di ko pa nae-experience.”
Dagdag pa niya, “Sobrang saya kasi may bago akong kaibigan, ganyan.
“Parang, tapos, siyempre, natutuwa ako kasi sumasali na ako sa mga ganun, kasi mahiyain talaga ako…
“Sobrang thank you kasi sinuportahan niyo ako, guys. Naa-appreciate ko kayong lahat.
“Thank you, I love you all, na hindi niyo ako pinabayaan, ganun.”
Muling pinasalamatan ni Rita ang kanyang supporters sa kanyang unang sabak sa pageantry.
“Kayo yung naging sandata ko kung bakit ako lalong lumaban, ganun.”
Walang sinabi ni Rita kung itutuloy pa niya ang pagsali sa mga beauty pageant.
Noong nakaraang taon, nag-post si Rita sa Instagram at sinabi nitong gusto niyang makarating sa Miss Universe pageant.
Sa daily round ng “Showtime Sexy Babe” noong February 17, naibahagi ni Rita kung bakit nais niyang pasukin ang pageantry.
Saad niya, “Gusto kong mag-pageant kasi gusto kong ma-experience.
“Gusto kong ipagmalaki sa buong mundo ang kakayahan ng isang katutubong Badjao na katulad ko.
“Ipagmamalaki po namin yung tribo namin na hindi porke’t ganito ang tingin nila sa amin ay wala na kaming kaya.”
