Pinaglaruan ni Frankie Pangilinan ang tweet ng kanyang amang si vice presidential aspirant at Senator Francis “Kiko” Pangilinan kahapon, February 20, 2022.
Nagbahagi si Senator Kiko ng puto mula sa Calasiao, Pangasinan na regalo ng kanilang tagasuporta ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.
Saad ni Pangilinan sa kanyang tweet: “Maraming salamat sa Calasiao Youth for Leni-Kiko sa kilalang kilala na puto Calasiao na kulay pink at green! Naimas! Balbaleg ya salamat!
“Ito ang tunay na 'puto bomber' [laughing emoji]”
Ni-repost ito ni Frankie sa kanyang Twitter account.
Caption niya: “putongama ko”
May ilang followers at netizens ang hindi nakuha o na-gets ang pagbibiro ni Frankie. Baka kasi sa basa nila ay iba ang ibig sabihin nito.
Pero malinaw na "puto ng ama ko" ang isinulat ng dalaga sa kanyang caption.
Ganunpaman, ipinaliwanag ni Frankie ang isinulat niyang caption sa larawan ni Kiko.
Kung hindi raw naintindihan ng netizens ang kanyang mensahe, huwag na lamang itong pansinin.
Hindi raw kasi biro ang sumabak sa kampanya at medyo apektado na ang kanyang pag-iisip kaya idinadaan na lamang niya minsan sa pagbibiro ang pagod na nararamdaman.
Aniya, “if ur bothered by my humor pls just ignore me campaigning is extremely painful and i wish i could explain the kind of toll it takes on mental health,,, coping mechanism ko lang ‘to char"
Dagdag pa niyang paliwanag, ang pagtu-tweet ang nagsisilbi niyang “depression dump.”
Buong mensahe niya, “honestly if ur bothered by anything i tweet just scroll on pls bc twt rly is just my depression dump agdjdhdj”
Naiintindihan naman daw niya kung may mga taong hindi paborable sa kanyang mga post.
Sabi niya, "and i understand it’s not for everyone das cool pls just remember it’s also not an accurate representation of my whole self [heart emoji] ty for being here i love u deeply and i hope ur having a great Sunday”
