Muling dinakip ang Pilipinas Got Talent Season 6 third runner-up na si Mark Joven Olvido sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa Sitio San Miguel, Barangay Duhat, Sta. Cruz, Laguna, Biyernes ng gabi, February 18, 2022.
Arestado si Olvido dahil sa pagbebenta ng shabu na nakalagay sa heat-sealed transparent sachet at nagkahahalaga ng P500 sa isang pulis na nagpanggap na buyer at gumamit ng marked money sa pagbili ng ipinagbabawal na droga.
Nakumpiska rin sa pag-iingat ni Olvido ang pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P85,000.
Inaresto si Olvido dahil sa impormasyong natanggap ng DEU tungkol sa pagbebenta ng talent-search personality ng shabu.
Matagal nang nasa watch list si Olvido, na naranasang maging artista nang sumali siya sa reality talent competition show ng ABS-CBN noong 2018.
Ang pagsali ni Olvido sa Pilipinas Got Talent Season 6, kung saan nakilala siya bilang "Vape Master", ang naging instrumento para magkaroon siya ng panandaliang acting career sa telebisyon at pelikula.
Unang dinakip si Olvido ng DEU noong May 14, 2021 nang mahuli siyang walang lisensiya habang nagpapasada ng tricycle sa Barangay Duhat, Sta. Cruz, Laguna.
Nang sitahin si Olvido ng pulis, naging arogante siya sa pagsagot kaya natuklasan ang shabu na dala niya na nakalagay sa sachet at nagkakahalaga ng P2,000.
Paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article 11 ng Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ng 2002, ang reklamong isinampa laban kay Olvido.
Sandali lamang siyang nakulong nang sumailalim siya sa probasyon dahil sa plea bargaining agreement na naganap.
Read: Pilipinas Got Talent finalist Mark Joven Olvido arestado sa buy-bust operation sa Laguna
Nang dakpin si Olvido sa pangalawang pagkakataon kagabi, ang paglabag pa rin sa Article ll ng Republic Act 9165 ang reklamo laban sa kanya.
Pero may posibilidad na hindi na siya payagang makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan dahil sinuway ng 32-year-old tricycle driver ang plea bargaining agreement noong 2021.