Magkaiba ba ng paniniwala sa pulitika ang mag-inang Karla Estrada at Daniel Padilla?
Ito ang katanungan ng ilang netizens matapos makita si Karla na sumampa sa entablado ng political rally ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Ginanap ang Marcos-Duterte rally sa Philippine Arena, Martes ng gabi, February 8, 2022.
May song number doon si Karla, na kumakandidatong third nominee ng Tingog party-list, na ang kasalukuyang representante ay si Yedda Romualdez.
Si Romualdez ay isa sa 70 kongresista na bumoto na huwag i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Si Karla ay dating host ng Magandang Buhay, ang daily morning talk show ng ABS-CBN.
Umalis siya sa show nang siya ay mag-file ng certificate of candidacy noong October 2021.
Pero hindi pa ring maiwasang mapatanong ang ilang netizens sa desisyon ni Karla na makihanay sa mga pulitikong nagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN.


Nadadawit din sa pagkuwestiyon ng netizens ang anak ni Karla na si Daniel Padilla, na isa sa prime stars ng Kapamilya Network.
Noong kasagsagan ng ABS-CBN shutdown noong 2021, kabilang si Daniel sa Kapamilya stars na nanindigan para sa home network.
Nangako si Daniel at kasintahang si Kathryn Bernardo na hindi nila iiwan ang ABS-CBN.
Noong October 2020, sinabi rin ni Daniel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "I can wait hanggang makabangon ang ABS-CBN."
Narito ang ilang komento ng netizens:



ON DANIEL LIKING AN ANTI-MARCOS-DUTERTE IG POST
May ilang netizens namang nagsabing tila magkaiba ng pananaw sa pulitika ang mag-ina.
Tikom ang bibig ni Daniel pagdating sa pagtakbo ni Karla bilang third nominee ng Tingog party-list. Wala ring tahasang iniendorsong kandidato si Daniel sa ngayon.
Pero may netizens ang nakapuna ng simpleng pag-like ni Daniel sa isang Instagram post ng poet-musician na si Dong Abay, na bukas sa pagkontra sa tambalang Marcos-Duterte para sa 2022 elections.
"Karla Estrada can do whatever she wants. BUT THIS IS SUPREMO @imdanielpadilla," tukoy ng netizen sa pag-like ni Daniel sa post ni Abay.

May mga nagkomento pang hanggang sa lehitimong nag-like nga si Daniel sa pagtuligsa ni Abay sa "mga pulitikong trapo tulad ng mga Marcos at Duterte."
Sabi pa ng netizen, "Sana nga ganun pa rin ang stand ni DJ."
Puna pa ng isa, "daniel shading his own mom, tama behavior."

KARLA'S STATEMENT ON HER POLITICAL STAND
Tila nakarating kay Karla ang mga batikos ng netizens.
Nitong February 9, 2022, naglabas ng opisyal na pahayag si Karla na "hindi issue" sa pagitan niya at ng kanyang mga anak kung sila ay may "kanya-kanyang pananaw" sa pulitika.
Nakalagay sa art card na ibinahagi niyang may laya siya at ang kanyang mga anak na suportahan ang sinumang gusto nilang kandidato.
Dagdag pa ni Karla sa caption ng kanyang post (published as is), "In our Family, we always practice to respect each one's opinion, and specially Politcal views.
"Sinisiguro ko na sa aming tahanan pa lang ay buhay na ang mga karapatan ng aming mga Boses at pananaw.
"At ang respeto ng mga anak ko, buong pamilya ko at mga taong bukas ang isip malawak ang pag intindi ang Tanging importante sa buhay ko."
Gumamit din si Karla ng hashtag na "#iisanglayuninMAKATULONG."

