Nagpahayag ng suporta ang dating co-hosts ni Toni Gonzaga sa Pinoy Big Brother (PBB) na sina Mariel Rodriguez at Bianca Gonzalez.
Ito ay kasunod ng pormal na pagbibitiw ni Toni bilang main host ng Kapamilya reality show pagkatapos ng labing-anim (16) na taon.
Sa pamamagitan ng Instagram ngayong Miyerkules ng hapon, February 9, 2022, inanunsiyo ni Toni ang kanyang pagbibitiw sa PBB.
Bahagi ng kanyang pahayag: “I will forever cherish the memories, big nights, and moments in my heart. Thank you Kuya for everything.
“This is your angel, now signing off…”
View this post on Instagram
Inendorso rin ni Toni si Bianca na pumalit sa kanya bilang main host ng PBB.
Sa comments section ng post ni Toni, naghayag ng suporta at pagmamahal ang dati niyang co-host na si Mariel Rodriguez.
Mensahe ni Mariel: “I love you toni. You are a friend and a sister FOREVER [heart emoji] welcome to the outside world, toni.”

Ang "Welcome to the outside world," ay ang mga katagang binabanggit ni Toni at iba pang hosts sa isang evictee sa PBB house tuwing eviction night.
Pati si Bianca ay naghayag ng mensahe sa komento ni Mariel.
Aniya, walang makakapalit sa hosting capability ni Toni.
Sabi ni Bianca, “@marieltpadilla [crying, heart emojis] Nobody can ever take your place and do it like you @celestinegonzaga, nag-iisa ka. Love you both.”

Sumagot din si Mariel sa komento ni Bianca.
Sabi ni Mariel, “@iamsuperbianca friendship goes beyond work, beyond religion, beyond politics… beyond it all. Go make us proud B! You got this! [thumbs up emoji] we believe in you!”

Bagamat walang sinabing dahilan, ang pagbibitiw ni Toni bilang main host ng PBB ay pinaniniwalaang may kinalaman sa paghu-host niya sa Uniteam proclamation rally nina former Senator Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Mayor Sara Duterte sa Philippine Arena kahapon, February 8.
Bukod sa pag-eendorso sa Duterte-Carpio tandem, nabatikos din si Toni dahil sa energetic niyang pagpapakilala kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa audience ng proclamation rally.
Bahagi si Marcoleta ng senatorial ticket ng Uniteam.
Si Marcoleta ang isa sa mga mambabatas na nanguna sa pagkontra na mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN, na kinabibilangan ni Toni.
Binalikan ng ilang netizens ang sinabi ni Toni sa kanyang Instagram post ilang araw pagkatapos tuluyang ibasura ng Kongreso, kabilang si Marcoleta, ang franchise application ng ABS-CBN noong 2020.
Bahagi ng pahayag ni Toni noong Juy 18 2020: "Sa lahat ng nasa posisyon ngayon, hindi namin makakalimutan ang ginawa nyo sa mga trabahador ng ABSCBN. You may have the power now but it will not be forever... Babangon tayong lahat muli. #yakapkapamilya"
Dahil dito, trending topic sa social media si Toni mula kagabi hanggang ngayong araw.
May mga umusig man kay Toni sa iba't ibang social media platforms, nakakuha naman siya ng simpatiya mula sa loyal fans at supporters ng Marcos-Duterte tandem.
