Pumanaw ang veteran at award-winning actress na si Rustica Carpio nitong Martes, February 1, 2022.
Binawian ng buhay si Rustica sa tahanan ng kapatid niya sa Cavite. Siya ay 91 taong gulang.
Kinumpirma ng mga pamangkin ni Rustica na sina Nessea Carpio at Myrea Baquiran ang pagpanaw niya.
Nakatakda ngayong Miyerkules ng hapon, February 2, ang cremation sa kanyang mga labi.
“Ike-cremate po si Tita Rustica this afternoon. Naghihintay pa po kami ng ibang detalye kung magkakaroon ng burol,” pahayag ni Myrea sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Isinilang si Rustica sa Paombong, Bulacan noong August 9, 1930.

Forty-five years old na si Rustica nang ginawa niya ang kanyang unang pelikula, ang Nunal sa Tubig, ang 1975 critically-acclaimed movie ng direktor at National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal.
Simula noon, nagkasunud-sunod na ang mga movie at television assignment ni Carpio, pero ipinagpatuloy pa rin nito ang kanyang teaching profession.
Kabilang sa mga makabuluhang pelikulang nagawa niya ay ang Aliw (1979), Bona (1980), T-Bird At Ako (1981), Moral (1982), Rizal In Dapitan (1997), Lola (2009), at Captive (2012).
Ang huli niyang pelikula ay ang Circa na ipinalabas noong 2019.
Nanalo si Rustica ng mga international acting award para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Lola (2009).
Siya ang Crystal Simorgh Best International Actress sa 2011 Fair International Film Festival (Iran), best actress sa 2010 Las Palmas International Film Festival (Gran Canaria, Spain), at pinakamahusay na aktres sa 2010 Gawad Urian.
Tumanggap din si Rustica ng mga Lifetime Achievement Award mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa mga kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Sa kabila ng mga parangal na napanalunan at mataas na respeto sa kanya ng Philippine movie industry, nanatiling mapagkumbaba si Carpio.
Pinatotohanan ito ng mga pamangkin niya.
Ayon kay Myrea, na inaanak din ni Rustica sa binyag, istrikta pero mabait ang isang ugali ng pumanaw niyang tiyahin.
“Nung college student pa ako, nakatira ako sa kanya, sa bahay niya sa Kamias, Quezon City. Istrikta siya na mabait at matulungin.
"Typical professor si Tita Rustica. Dean siya ng College of Communication ng Polytechnic University of the Philippines at nagturo din siya FEU at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
“Masyado siyang busy, ang dami ng mga ginagawa niya tapos nasa showbiz pa siya,” kuwento ni Myrea, na madalas na nakakasama noon ni Carpio sa taping at shooting ng kanyang mga acting assignmeant.
Sabi naman ni Nessea, “Very generous at thoughtful po siya. Palaging may pasalubong si Tita kapag umuuwi siya ng Bulacan from Manila. Parang mga anak ang trato niya sa amin dahil dalaga siya, walang sariling pamilya."