Ang mga bida ng Silip Sa Apoy na sina Paolo Gumabao at Angeli Khang ang mga special guest sa episode ng PEP Spotlight na mapapanood sa January 27, 2022.
Sa panayam ni Jimpy Anarcon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Paolo, ang relasyon ng 23-year-old actor sa kanyang biological father na si Dennis Roldan ang isa sa mga napag-usapan.
Sa kanilang pamilya, si Dennis ang kauna-unahang pumasok sa showbiz kaya parang siya ang nagbukas ng pintuan para sa ibang mga kamag-anak niya tulad ng kanyang kapatid na si Isabel Rives, mga anak na sina Michele, Marco, at Paolo.
Pero may paglilinaw si Paolo sa guesting niya sa PEP Spotlight na nangyari ngayong Martes ng hapon, January 25, 2022.
Lahad niya, “Sa totoo lang, ha, people always think that’s what happened, but I actually found my own ways to enter this industry.
“I met my manager Manny Valera and he was the one who introduced me to all the casters and siya yung nagpapa-audition sa akin.
“So, nung nakapasok na ako... kasi parang ang nangyari, nung nakapasok ako sa showbiz, biglang nakulong yung tatay namin. Until now, he’s still in Muntinlupa.”
Nahatulan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong si Dennis noong 2014 matapos mapatunayang guilty sa kasong pangingidnap ng Filipino-Chinese boy noong 2005.
"BEYOND PROUD"
Sa kabila ng sinapit ni Dennis, "beyond proud" ang sagot ni Paolo nang tanungin kung gaano niya ipinagmamalaki ang kanyang nakakulong na ama.
Isa lamang daw ang hiling ni Paolo para sa ama: ang makalaya na si Dennis.
Aniya, “I’m beyond proud and my wishes for him is I want him to get out soon kasi medyo matagal na rin siya doon.
“Seven years na siya doon. Sana makalabas na siya, yun ang number one wish ko.
"Kasi kapag natupad yung wish na yun, all the other wishes would just follow through na lang.”
Fourteen years old si Paolo nang malaman nito ang katotohanang si Dennis ang kanyang biological father. Fifteen years old naman siya nang magkakilala sila nang personal.
Pero makalipas lamang ang isang taon, nakulong na ang veteran actor sa Muntinlupa.
Sa kabila ng sandaling panahong nagkakilala sila noong hindi pa nakapiit ang kanyang ama, isang bagay lang ang pinanghihinayangan ni Paolo—mas maaga sana niyang nakilala si Dennis.
Pahayag ni Paolo, “We’re good naman kasi whatever happens, happens, and wala na kaming magagawa, like it wasn’t anyone’s fault.
“I didn’t grow up with him kaya late din kaming nagkakilala.
"So, if ever man may regrets, like, l wish I could have like met him sooner.
"Kaso, late ko rin nalaman na siya yung tatay ko. Nalaman ko lang, 14 years old ako. Na-meet ko siya 15 years old ako, so that was one year after I found out na siya yung tatay ko."
WHAT DID DENNIS SAY ABOUT PAOLO'S MOVIES?
Mula nang makulong si Dennis sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa noong August 2014, nabawasan ang komunikasyon nila ni Paolo dahil nagkakausap lamang sila kapag dinadalaw siya ng kanyang anak na lumaki sa Taiwan.
Ayon kay Paolo, “We didn’t get to talk much unless kapag bumibisita kami dun. Yung movies din, siyempre, hindi rin niya mapapanood.
“Wala rin naman way na mapanood niya sa loob, pero whenever I visit him, ikinukuwento ko naman sa kanya yung mga pelikulang ginagawa ko.
"Pero hindi ko pa naikukuwento sa kanya yung Sisid saka yung Silip Sa Apoy kasi hindi pa ako nakaka-visit ever since I shot the film.
“Wala naman taboo sa amin pagdating sa trabaho, kahit sa Sisid, kahit sabihin natin na BL siya, may kissing scene ako with a guy and there’s nudity, same with Silip Sa Apoy.
“Pero he understands. Everyone from my family understands the line of work that I’m in so no issues naman.”
May mga payo ba sa kanya si Dennis?
“Pagdating sa acting, hindi na siya masyadong nagbibigay ng advice. It’s more on kung paano dapat makisama sa mga tao.
“Ganoon naman yung lagi niyang nire-remind sa akin because yung acting naman is a learning experience.
“Yung ibig kong sabihin sa makisama is not to be plastic. I think it’s important for us to find it in our hearts to be genuinely nice to people, to be sincere.
“You really wanna get to know everyone on set because these are the people you’re gonna be working with all through the years, especially if you want to last in this industry. It’s important to build a genuine sincere relationship with everyone.”