Inalmahan ni Jugs Jugueta ang paratang ng veteran entertainment columnist at talent manager na si Lolit Solis laban kay Vice Ganda.
Sa Instagram post ni Lolit nitong Miyerkules, January 19, 2022, binanggit niya ang tungkol sa nakarating sa kanyang balitang “nagpa-power tripping si Vice” bilang main host ng ABS-CBN daily noontime show na It’s Showtime.
Ayon pa kay Lolit, nabalitaan niyang si Vice na umano ang “nagpapatakbo” sa programa; na marami nang katrabaho niya ang nasasaktan ang damdamin; at marami pang “horror story” tungkol kay Vice.

Ngayong hapon ng Huwebes, January 20, nag-iwan ng komento si Jugs sa post na ito ni Lolit.
Si Jugs ay co-host ni Vice sa It’s Showtime.
Kinontra ni Jugs ang post ni Lolit, at kinuwestiyon ang source nito tungkol sa paratang laban kay Vice.
Giit ng singer-host, walang katotohanan ang mga bintang kay Vice tungkol sa pagkakaroon umano nito ng attitude problem sa show.
Hirit ni Jugs kay Lolit: “Hanap po kayo ng bago ninyong source na Maritess, Tita…
“MASAYANG MASAYA PO KAMI SA SHOWTIME NGAYON!!!! [red heart emoji]
“Peace be with you and happy new year!”

MIXED REACTIONS FROM NETIZENS
Hati ang reaksiyon ng netizens na nagkomento sa post ni Lolit laban kay Vice.
May mga sumang-ayon sa columnist-talent manager hinggil sa pagiging mayabang umano ni Vice.
Ayon sa isang netizen, matagal nang may "attitude" si Vice kaya hindi na ito nakakabigla.
Sabi pa ng isa, "nakaka-offend" na minsan ang jokes ng popular comedian-host.




Pagtatanggol naman ng supporters ni Vice, ang pagpapatawa nito ay minamasama lang ng iba pero ito raw ang paraan niya para maaliw ang viewers.
Katuwiran ng isa pa, kilala si Vice ng kanyang co-hosts at alam nilang ang ginagawa nito ay para kagiliwan ng viewers ang kanilang programa.
Sabi naman ng isa, hindi matatawaran ang trabahong ibinibigay ni Vice para mapaganda ang It’s Showtime.
Ayon naman sa isa pa, kumikita ng pera si Vice sa kanyang pagpapatawa at hindi pagtsi-chismis.



