Sa unang pagkakataon ay muling nasilayan si Claudine Barretto kasama ang nakaalitang kapatid na si Marjorie Barretto.
Sa Instagram post ni Claudine noong December 31, 2021, ipinakita niya na kasama niya ang pamilya Barretto na sinalubong ang bagong taon sa kanilang hometown.
"Hi from Olongapo! Hello! Happy New Year!," bungad na pagbati ni Claudine sa video.
Kasama niya sa video ang anak na si Sabina Barretto, nakatatandang kapatid na si Mito Barretto at anak nitong si Lucas, anak ni Marjorie na si Leon Barretto, at ang sister-in-law ni Claudine na si Connie.
Ipinakita rin ng aktres ang handa nila para sa kanilang New Year's Eve dinner na niluto raw ng kanyang sister-in-law.
Isang long table rin ang may nakahandang dinner setting sa garden ng bahay.
Sa di kalayuan ay makikitang nagkakatuwaan ang mga batang kaanak ni Claudine.
"Happy new year, everybody! Love you," masayang pagbati niya uli.
Sina Sabrina at Leon ay nagbahagi rin ng Instagram Stories na kuha mula sa get-together ng pamilya Barretto.
Sa Instagram Story ni Sabrina, makikita ang group picture ng kanilang family reunion.
Sa isang hilera, nasa gawing kaliwa si Marjorie at Barretto matriarch na si Inday Barretto. Nasa gawing kanan naman si Claudine.

May malinaw na kuha ng parehong litrato na ni-repost ng isang netizen na may Instagram handle na @team_barretto.

Hindi malinaw kung ang pagdalo ni Claudine sa family reunion ay nangangahulugan ding nagkaayos na sila ni Marjorie.
BARRETTO FAMILY FEUD IN 2019
Hindi lingid sa publiko ang naging kontrobersiyal na alitan ng pamilya Barretto nang pumanaw si Miguel Barretto noong October 2019.
Si Miguel ay ama ng magkakapatid na sina Claudine, Marjorie, at Gretchen.
Sa burol ni Miguel, noong gabi ng October 16, 2019, naganap ang pagkakaayos ng mag-inang Inday at Gretchen na ilang taon ding may malalim na hidwaan.
Pero noong gabing ring iyon, nangyari ang mainit na kumprontasyon sa pagitan ng magkapatid na Gretchen at Marjorie na may hiwalay na hidwaan mula pa noong huling bahagi ng 2014.
Nang sumunod na gabi, October 17, 2019, sina Marjorie at Claudine naman ang nagkainitan at nagkasakitan dahil sa away pa rin nina Marjorie at Gretchen.
Mula noon ay hindi na nakitang magkasama ang dalawa.
WHAT MARJORIE SAID IN 2021
Noong May 2021, sinabi ni Marjorie sa panayam ni Toni Gonzaga na hindi pa siya nakikiapag-ayos sa mga kapatid na Claudine at Gretchen.
Pero sa kabila ng hidwaan ay hindi raw siya nagigising na may karga-karga pa ring galit dala ng alitan sa mga ito.
"It’s not coming from a place of unforgiveness. I just want peace," bahagi ng pahayag noon ni Marjorie.
