Nagbigay si Angel Locsin ng two-million-peso donation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Negros Occidental.
Ito ay ayon sa kumakalat na video ni Kris Aquino na kuha mula sa cellphone, at ipinost sa social media.
Bukod sa pagiging kilala bilang aktres, isang aktibong pilantropo rin si Angel.
Sa na-post na video, maririnig ang naka-face mask na si Kris na nagsasalita sa harap ng mga evacuees.
Aniya, "Nagbigay po si Angel Locsin ng PHP2 million kay VP Leni para po pantulong para po sa lahat ng nasalanta."
Nitong Martes, December 21, nagtungo si Vice President Leni Robredo sa Barangay Daan Banua in Kabankalan City, Negros Occidental, para sa relief operations ng mga residente roon.
Dumating din doon si Kris para samahan ang bise president.
Nito ring Martes, nakunan ng media si Angel na bumaba sa kanyang kotse.
Personal siyang nagtungo sa Leni Robredo Volunteer Center sa Katipunan Avenue, Quezon city para iabot ang kanyang donasyon para sa mga biktima ng bagyo.

Bago pa man ang announcement ni Kris tungkol sa malaking halagang donasyon ni Angel, binanggit na ng TV host sa isang comment na malaki ang ambag ni Angel.
Nagkapalitan ng comment sina Angel at Kris tungkol sa plano nilang ilunsad na relief efforts sa mga nasalanta ng bagyo.
Pinasalamatan ni Angel si Kris sa “generosity at pakikiisa” raw nito.
Sabi naman ni Kris (published as is), “ano ka ba Gel? Mas malaki na ang nilabas mo kumpara sakin…
“ako inu unti uti ko kasi diba marami tayong gustong matulungan?
“Sinabi ko nga sa yo, we need to be REALISTIC. Pumili tayo nung mga lugar na talagang hindi naaabot at hindi napapansin at yung mga malapit talaga sa puso natin.”
Katuwang din daw nila ang kani-kanilang partner—fiancé ni Kris na si Mel Sarmiento at mister ni Angel na si Neil Arce—sa ginagawang relief efforts para sa mga nasalanta ng bagyo.

Noong 2020, pinangunahan ni Angel ang fundraiser para sa pagpapatayo ng isolation tents sa iba’t ibang ospital sa Luzon.
Nakalikom siya noon ng halos PHP11 million sa tulong ng iba pang cash donors.
