Muling umapela ng pinansiyal na tulong ang aktor na si Andrew Schimmer para sa gastusin ng asawang si Jorhomy “Jho” Rovero na kasalukuyan pa ring nakaratay sa ospital.
Noong nakaraang November 24, sinabi ni Andrew na nasa intensive care unit (ICU) ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig City.
May sakit si Jho na severe hypoxemia.
Ayon sa www.clevelandclinic.org, ang severe hypoxemia ay nangyayari kapag ang level ng oxygen sa dugo ay mas mababa sa normal.
Kagabi, December 21, sa pamamagitan ng Facebook, muling naglambing si Andrew mula sa mga taong may busilak ang puso kung maaaring magbigay ng karagdagang tulong.
Lumalaki raw ang gastusin at hospital bills ng asawa na halos isang buwan at kalahati nang naka-confine roon.
Bahagi ng kanyang post [published as is], “Gusto ko po muna gamitin ang pagkakataong ito para magpasalamat po sa inyong lahat na nagdasal at patuloy pa pong nagdarasal para po sa tuluyang paggaling at pagbuti ng kalagayan ng aking may bahay na si Jorhomy at sa ilang kapatid natin na nagpahatid po ng tulong, hindi ko na po babanggitin ang kanilang mga pangalan sa kadahilanang karamihan po sa kanila ay mga pribadong tao.
"Alam kong mababasa nyo po ito, ako po ay nagpapasalamat sa inyong lahat, dahil po sa tulong na inyong pinaabot, na-provide po namin ang ibang medications and treatments na kinakailangan po ng aking asawa, kaya naman buong puso po akong nagpapasalamat sa inyong lahat.
"Kami po ngayon, ako kasama ng kanyang mga kapatid, kaibigan at buong pamilya ay lumilikom parin ng malaking halaga na kinakailangan para po matustusan namin ang kanya medical bills.
"Kaya ako po'y nagpapakumbaba at nagsusumamo ng inyo pong mga tulong, para po maituloy namin ang kanyang gamutan, at siya po ay aming mailabas na ng tuluyan ng ospital.
"Wala na po akong mahihiling pang iba sa buhay ko ngayon kundi ang makasama lang po namin siya ng aming mga anak po ngayong pasko. Kaya ako po ay lumalapit at nakikiusap po sa inyong mga puso, any help po right now is a very big help po.
"Pasensya na po sa mga ibang kapatid natin na nakukulitan na po sakin, patawarin nyo po ang aking pakikiusap at kakulitan, wala nalang po akong iba pang pwede pang maisip na paraan kundi ang magpakumbaba, lumapit at makiusap po sa inyong tulong.
"Higit isang buwan at kalahati na po siyang patuloy na lumalaban sa kanyang karamdaman at hanggang ngayon po ay naka confine pa rin po siya sa Hospital, dahil sa SEVERE ASTHMA ATTACK, na nag-reresulta sa CARDIAC ARREST at BRAIN HYPOXIA."
Ang brain hypoxia ay kondisyon kunsaan hindi sapat ang umaabot na oxygen sa brain.
IN STABLE CONDITION BUT…
Lahad pa rin ni Andrew, kahit papano ay nasa stable na kundisyon na ang asawa pero hindi pa rin ito nakakapagsalita.
Payo daw ng mga doktor, kailangan na siyang iuwi para mas mapabilis ang recovery nito.
Malaking bagay daw kung naririnig nito ang boses ng dalawa nilang anak.
Paliwanag ni Andrew [published as is], "Sa ngayon po sa awa ng diyos talagang stable na po ang lagay nya, kahit papaano ay naididilat na po nya ang kanyang mga mata, gayon pa man, hindi parin sya nakakapagsalita at nakakagalaw ng gaano at ang sabi po ng mga doctor ay mas mabuting mailabas na namin sya sa hospital at sa bahay nalang ipagpatuloy ang pag alaga at pag treatment po sa kanya, sa kadahilanang mas magiging mabilis daw po ang kanyang recovery kung maririnig niya at makakausap siya ng aming mga anak..malaking bagay daw po sa kanyang recovery ayon sa kanyang doctor, ang marinig nya ang boses ng kanyang mga anak sa araw araw po.
"Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa mga tumulong sa aming pamilya. Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na kami sa inyong patuloy na pagtulong at patuloy na pagdarasal sa akin pong asawa.
"Ang inyong walang humpay na suporta at dalangin ay napakalaking bagay po, lalo sa pagpapalakas at pagbibigay po ng pag-asa at lakas ng loob sa aming pamilya upang lumaban sa hamon ng buhay na aming hinaharap po ngayon.
"Kaya naman po ako'y patuloy na nakikiusap, naway patuloy ninyo po siyang isama sa inyong mga panalangin, nang muli pong manumbalik ang kanyang lakas para sa kanyang mga mahal sa buhay lalo na para sa aming dalawa pong anak, at maging instrumento at biyaya din po ang kaniyang naging karanasan para sa iba pa nating mga kapatid na maaring dumaan sa ganito pong sitwasyon at pagkakataon."
Bukod sa dasal, kailangan daw talaga nila ngayon ang tulong pinansiyal.
Aniya, "Muli po ako po ay nananawagan at kumakatok po sa inyo pong mga puso, lalong lalo na po sa aking mga kaibigan at kapatid sa loob at labas ng industriya, maging sa lahat po ng ating mga kapatid na makakabasa at makakapansin po ng aming panawagan. Any kind of help po ay napakalaking tulong na para amin.
"Kaya po muli ako ay nagsusumamo at nagpapakumbaba ng inyo pong tulong. Sana po matulungan niyo po kami mailabas po siya ng tuluyan sa Hospital para makasama po namin siya ng kanyang mga anak lalo na po ngayong Pasko.
"Sa ilalim ay ang kanya pong video mula po nung sha ay critical pa, at ang isa naman po ay kuha ngayong araw po nato. Makikita nyo po na napaka ganda na po ng kanyang recovery.
"Sa mga nais pong magpahatid ng tulong pinansyal,at kahit na ano pong klase ng tulong, maaari po kayo mag padala po sa alin man sa mga Account ng kanyang dalawang kapatid: GCash 09173011957 - Ruby Jennifer Rovero (Jorhomy's Sister), 09678906366 - Jherome Rovero (Jorhomy's Brother), Bdo Account 004600187507 - Ruby Jennifer Rovero.
"Maraming Salamat po sa inyong lahat at pagpalain po tayo ng Poong Maykapal!"
