Aminado si Kylie Verzosa na natakot siya sa magiging reaksiyon ng boyfriend na si Jake Cuenca sa kanyang daring scenes sa My Husband, My Lover.
Tinodo na kasi talaga niya ang pagpapaka-daring sa pelikula, kung pagbabasehan ang iba't ibang love scenes na ginawa niya dito.
"Actually, takot ako noong una," bungad ni Kylie sa naging online mediacon ng movie na pinagbibidahan rin nina Cindy Miranda, Marco Gumabao, at Adrian Alandy.
"Kasi, noong unang lumabas, medyo na-shock din ako sa trailer," natatawang kuwento ni Kylie.
“So medyo natakot ako sa reaction niya. But surprisingly, he was so supportive and he was so proud of the movie, the work I’ve done.
“Sabi ko nga, sobrang suwerte ko na sobrang supportive niya talaga sa career ko and other decision I made.”
Kilalang daring at passionate actor din si Jake, at ipinakita nito ang kanyang suporta sa 2016 Miss International girlfriend na si Kylie. Nag-post si Jake sa Instagram ng poster ng movie na may caption na, “@kylieversoza in her most bravest role yet! Show some love for #myhusbandmylover.”
Pero sa kabila nito, iiwasan na lang daw na panoorin ni Jake.
Sabi ni Kylie, “Pero yun lang, hindi na lang niya papanoorin. Kasi, it’s hard. Tao rin tayo and nahihirapan din yung tao na manood. But he’s so supportive and he didn’t give me a hard time and proud siya sa ginagawa ko.”
KYLIE ON FILMING LOVE SCENES
Tanong naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Kylie, saan nanggagaling ang tapang niya sa mga very intimate at daring scenes na nakaya niyang gawin?
Saad niya, “I guess one, yung tiwala ko sa material. Yung trust ko sa director ko.
"Siguro, yung tiwala lang din na it’s gonna be a good film and project and part siya ng character journey ni Alice. So trust lang sa material, trust in me as an actor and trust din with my director.”
Si Direk Mac Alejandre ang director ng My Husband, My Lover, kung saan kasama niya rin sina Marco Gumabao and Adrian Alandy.
Habang nagsu-shooting, hindi naman daw naramdaman ni Kylie na sa mga ginawa niyang love scenes, puwedeng ma-violate ang pagkababae niya.
“Hindi naman po, very safe naman po ang set and very clear rin yung mga limitation na sinet namin with Direk. And I was really comfortable rin with Marco and Adrian.
“May konting kaba, siyempre, pero wala, e, kapag nandoon ka na talaga sa moment and you’re in character, mawawala na talaga siya. You’re Alice, si Alice na ang nandoon.”
Tulad ng kanyang character, naranasan na ba ni Kylie na may napagsabay siyang karelasyon sa totoong buhay?
“No, never,” nakangiti niyang sagot.
“Kapag mga date, yung hindi pa naman kayo, ganyan.”
Pero naka-relate pa rin kahit papaano si Kylie sa character na kanyang ginampanan.
“Siguro ako, yung nahirapan siya sa choice niya between my husband, my lover. Hindi sa nangaliwa ako at some point, pero di ba, kapag may dalawa kang gusto na lalaki, nahirapan kang mag-decide.”
Dugtong pa niya, “Very slight lang naman, hindi pa kayo, yung lighting stage pa lang, I guess, yun yong nahirapan siya. Nahirapan siyang mag-decide kung sino ba talaga yung what’s best for her.”
Kasalukuyang nai-stream online via VIVA Max ang VIVA Films’ movie na My Husband, My Lover.
