Na-enjoy at na-appreciate nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz ang pakikipag-collaborate kay Direk JP Habac for the first time sa One True Pair The Movie.
"I’ve seen some of his films and we were supposed to work together in one of his films pero hindi natuloy," sabi ni Bea sa virtual mediacon noong Nobyembre 30, Martes.
Patuloy ni Bea, "Hindi pa siguro meant to be na magkatrabaho talaga kami before…
"And very light yung set, and he seems so honest, and he is also very collaborative.
"So, I enjoyed it. I felt we were on the same page whole time."
Napangiti si John Lloyd, "Ako, akala ko talaga nung una, suplado si Direk, e. Kasi, hindi siya nagsasalita…
"But I appreciate yung freedom na ibinibigay niya, or ina-allow niya to collaborate with him. And he never imposes. So, kaya siguro naging maganda yung collaboration.
"And, yeah, parang naghihintay ako ng susunod naming magagawa.”
Ano ang favorite moments nila sa set habang ginagawa itong One Pair The Movie?
Napaisip pasumandali si Bea, "Parang ang dami. Ha! Ha! Ha! Ha! Ako, siguro yung pinakapaborito ko yung tracking scene, nasa loob ng kotse.
"Kasi, napaisip ako nung time na ginagawa namin yun. Back in 2002, during the first teleserye na ginawa namin together, when we were starting out as a love team, I hated doing tracking scenes with John Lloyd.
"Kasi, hindi kami friends, hindi kami nag-uusap! As in iniisip ko, ‘Tracking scenes na naman! Mapapanis na naman ang laway ko!'"
Pero iba na raw ngayon dahil may na-establish na silang magandang relasyon ni John Lloyd.
"Nineteen years later, ginagawa pa rin namin ang tracking scene, only this time, I enjoy being in a car with him, and you know, this time, nag-uusap na kami. At friends na kami!
"So, parang very nostalgic yun sa akin kaya yun ang paborito ko sigurong moment."
Napatango si John Lloyd, "Kasi si Bea, ang galing, e! Parang meron siyang switch, e! Kapag nag-'action' na si Direk, parang… she gets into a character like… in a snap of the finger. Parang ambilis niya!
"Ako, parang… I worry about my lines. I worry about yung…"
Singit ni Bea, "Tumatanda ka na yata kasi! Ha! Ha! Ha! Ha!"
Hangang-hanga si John Lloyd sa mastery ni Bea ng kanilang craft.
Pagpapatuloy ni John Lloyd, "Si Bea, ang galing kasi, e! Sobrang natural. Ever since, hanggang ngayon, ganun pa rin ako.
"Pero… siguro ako… dahil sobra kong… sobra kong na-miss talaga yung totoong collaboration with Bea, kapag talaga sumigaw si Direk ng 'action,' parang, sa amin na lang yung kumbaga, para tayong sini-seal, di ba?"
Malaking bagay na gamay na nina John Lloyd at Bea ang isa't isa.
Patuloy ni John Lloyd, "Na parang nagiging atin na lang, and tayo na lang yung tao, just two characters. Two actors na sobrang immersed dun sa characters nila.
"I think yun yung na-enjoy ko. Kasi, ang tagal. Sabi ko nga kanina, akala ko, hindi na siya mauulit.
"I never thought na sa ganitong opportunity pa siya mag-a-unfold. So, I guess yun yung pinakana-enjoy ko.
"Kasi, parang it takes us to a place na dun lang siya nangyayari. And lahat ng elements na yun, present.
"At sa cue ng isang word like 'action,' masosolo na ninyo yung mundo pag narinig n’yo yung 'action.'"
A LOVE TEAM THAT "TRANSCENDS THE TEST OF TIME"
Ano ba ang ipinahihiwatig sa kanila o kaya ay ibig sabihin ng 'one true pair'?
Napangiti muli si Bea, "Para sa akin, a team that transcends the test of time.
"And yun nga, kagaya siguro ng sinabi ko kanina, if you bring out the best in each other, and that you have each other’s back...
"Kung kaya ninyong tagalan ang isa’t isa no matter what…"
Swak ang tema kina John Lloyd at Bea na mas lalong naging tumatag ang pagkakaibigan off cam 19 years mula nang una silang magkatambal sa Kay Tagal Kang Hinintay.
Pag-ayon ni John Lloyd, "Kung kaya niyo pa ring magsama after two decades. Magandang sukatan nga yun.
"Yeah, I think it’s the same for me. It involves the element of time. Parang kailangan niyong masukat ba? Or madaanan yung pagsubok ng panahon.
"Parang kahit na lumipas, sa kaso namin, dalawang dekada. Kahit maging unfamiliar, kaya niyong bumalik dun sa estado ng what is familiar.
"And may sense of being [at] home. Kung saan ka pakiramdam mo pinaka-safe, and komportable."
JOHN LLOYD TEASES BEA ABOUT HAPPY LOVE LIFE
Paano nila ide-define ang "true love"?
"Someone you can show your vulnerability [with]," mabining tugon ni Bea.
Natawa si John Lloyd, "I let love define me."
Sundot ni Bea, "Ang dami mong alam, e, pag tayo-tayo lang ang nagkukuwentuhan."
"Talaga ba?" pagmamaang-maangan ni John Lloyd, na ikinahalakhak ni Bea.
Tila himutok tuloy ni Lloydie, "I’m done defining love. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!".
Tawanan nang tawanan sina Bea at John Lloyd, lalo pa’t kapwa makulay ang kani-kanya nilang love life sa nakaraang dalawang dekada.
Sundot pa ni John Lloyd, "Si Bea lang naman talaga, at this very moment, si Bea talaga yung can elaborate about what true love is."
Tila ang tinutukoy ni John Lloyd ay ang masayang relasyon ni Bea sa boyfriend na si Dominic Roque.
Bungisngis nang bungisngis si Bea, "Hala talaga! Gusto mo ba?! Ha! Ha! Ha! Ha!"
Hindi naman itinuloy ni Bea na ilaglag si John Lloyd.
Galing sa puso, hindi galing sa ilong! As of this writing, halos 3M views na ang branded short film na One True Pair The Movie mula nang i-publish sa YouTube noong Nobyembre 30, Martes.
NETWORK TRANSFER
Parehong premyadong mga aktor sina Bea, 34, at John Lloyd, 38, na dating nasa bakuran ng ABS-CBN.
Lumipat si Bea sa GMA-7 matapos ang halos dalawang dekada bilang Kapamilya star.
Si John Lloyd ay dalawang dekada na sa ABS-CBN nang siya ay mag-indefinite leave sa kanyang home network noong 2017.
Nagbabalik-telebisyon si John Lloyd sa GMA-7 ngayong 2021.
