Kahit nagkaroon sila ng alingasngas sa loob ng Pinoy Big Brother (PBB) house, nais pa rin ni Chie Filomeno na mapabilang sa Big 4 si Daisy “Madam Inutz” Cabantog.
Si Chie ay isang Star Magic artist at dating miyembro ng all-girl group na GirlTrends.
Si Madam Inutz naman ay social media personality na nakilala sa pagbebenta ng ukay-ukay online.
Si Madam Inutz ang isa sa nag-nominate kay Chie para ma-evict sa PBB house sa nomination night na ginanap noong November 20.
Naging usap-usapan ang dahilan kung bakit binigyan ng dalawang puntos ni Madam Inutz si Chie para mapabilang sa mga kandidato para mapaalis sa Bahay ni Kuya.
Sabi ni Madam Inutz: “Binibigyan ko ng two points si Chie, ready na siya. Ready na siyang umalis kasi wala naman siyang ginawa. Wala naman siyang maiambag sa bahay kundi pagpapaganda.”
Dahil dito, nag-trending ang sikat na online seller-turned celebrity kasabay ng pagbatikos ng netizens kay Chie.
Nang sumunod na linggo, napatalsik sa Bahay Ni Kuya si Chie matapos makakuha ng boto mula sa publiko.
Sa panayam ng Inside News ng Star Magic na lumabas kahapon, December 2, sinabi ni Chie na hindi nagbabago ang kanyang pananaw na dapat kasama sa Big 4 ang ukay seller sa kabila ng sinabi nito tungkol sa kanya.
Saad niya, "Sa akin kasi, tinanong ako kung sino ang Big 4 ko, siya lang talaga yung hindi natanggal sa Big 4 ko.
"As in, siya talaga yung Big 4 ko, whether narinig ko nga yung sinabi niya.
"Kasi alam ko kung ano ang na-offer ko sa loob ng bahay ni Kuya. Alam ko kung ano ang nagawa ko for the housemates and also for myself.
"Mayroon din kasing instances talaga na ang laki ng bahay so hindi mo makikita rin kung ano ang ginagawa, and ang dami po namin."
Alam daw ni Chie ang buhay ng trending na ukay seller kaya hanga siya sa pagpupursige nito.
Papuri pa niya kay Madam Inutz, "So doon ko na lang po tiningnan sa perspective na yun.
"And si Madam Inutz, she's a strong, independent woman, a single mom.
"At alam ko lahat ang pinagdaanan niya. So that doesn't change like kung ano yung tingin ko sa kanya kahit narinig ko yun.
"She's still one of my Big 4."
Na-evict si Chie bilang housemate ng Pinoy Big Brother (PBB): Kumunity Season 10 noong November 27.
Ano ang natutunan niya bilang housemate?
Ayon sa model-actress, “Never judge or anything like that kasi may pinagdadaanan talaga tayo.
"And be kind with your words dahil hindi mo alam, kasi weapon yun. It’s a weapon.
"And just don't give up kahit anong mangyari. Kaya yun din ang sinabi ko, nung na-evict ako, sa kanila.
"Kasi parang nandoon na kami sa moment talaga na sobrang miss na namin yung labas.
"Pero sinabi ko sa kanila, yun talaga ang unang lumabas sa bibig ko, 'Never ever give up.'”
