Siyam na taon ang hinintay ni Royce Cabrera bago siya nabigyan ng malaking break sa entertainment industry at nagkaroon ng home network.
Kaya ipinangako niya sa sarili na pahahalagahan nang husto ang mga biyaya na kanyang natatanggap.
Graduate si Royce ng Bachelor of Science in Construction Engineering sa Mapua University pero ang pag-arte ang kanyang passion.
Sa pamilya niya, siya ang kauna-unahan na pumasok sa showbusiness.
“Nagsimula ako way back 2012 sa teatro at sa mga indie movie.
“Siyam na taon ako na naghintay. Matagal akong naghintay bago ako nagkaroon ng home network kaya hindi ko lubos maisip na pinagkatiwalaan ako ng GMA-7.
"Binigyan nila ako ng pagkakataon. Ang sarap sa feeling,” kuwento ni Royce sa exclusive interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Malaki ang naitulong kay Royce ng kanyang matagal na paghihintay na magkaroon ng puwang sa showbiz dahil natuto siyang pahalagahan ang kanyang mga karanasan at mga pinaghirapan noong nagsisimula pa lamang siya bilang aktor.
“Napagdaanan ko halos lahat. Na-experience ko talaga from scratch dahil wala akong kamag-anak na artista. Wala rin po akong kakilala.
“Talagang nagsimula ako sa umpisa. Nangapa ako, nag-workshop ako, nagpakadalubhasa ako.
"Kaya nang dumating sa akin ang pagkakataong ito, sinabi ko na hindi ko na pakakawalan dahil ilang taon kong pinaghirapan bago ko nakuha.
“Sa katunayan, nakaranas din ako ng discrimination pero I took it as motivation. Hindi ako sumuko, kahit na-discriminate ako, like, 'Sino ka ba? Anong kaya mong gawin?'
“Yung iba, production staff. Natatawa na lang ako pero masakit. Ngayon kapag nagkikita kami, nagiging joke na lang namin.”
PANDEMIC PROJECTS
Nang ideklara noong March 2020 na apektado na rin ng coronavirus pandemic ang Pilipinas, isa si Royce sa mga nangamba na mawawalan siya ng trabaho.
Pero kabaligtaran ang nangyari. Kung kailan may pandemya, saka dumating sa kanya ang magaganda at malalaking oportunidad.
Kaya nagpapasalamat si Royce sa Diyos.
“Talagang feeling ko nagkaroon din ako ng anxiety. Kasi nung nag-lockdown, may project ako sa kabilang network na teleserye rin.
“Nangyari pa yung franchise issue, so sabi ko, 'Ano na ang mangyayari sa akin? Ano na ang gagawin ko?'
“Nagdasal ako noon, patuloy pa rin sa trabaho, ibinibigay ko pa rin ang best ko kaya thankful ako na eto pa rin ako, patuloy na nagtatrabaho.
“Sa gitna ng pandemic, may mga dumarating na trabaho sa akin. Sa kabila ng mga pangyayaring ito, talagang masasabi ko na masuwerte pa rin po ako.
“During pandemic nang pumirma ako sa GMA-7. Pandemic din nang magkaroon ako ng television series, ang Nagbabagang Luha.
“First lead ko sa Magpakailanman, during pandemic din, so parang sobrang grateful ako dahil sa gitna ng pandemic.
"Dun ko naramdaman ang pag-usbong ng acting career ko.”
INTIMIDATED BY BARBIE
Ang guesting niya sa "Birthday Wish" episode ng Regal Studio Presents ng GMA-7 na mapapanood bukas nang hapon, October 24, 4:35 pm, ang isa sa mga blessing na natanggap ni Royce.
Hindi nito inakala na darating ang panahon na magkakaroon siya ng project sa sikat na movie company na isa nang institusyon.
Si Barbie Forteza ang kapareha ni Royce sa "Birthday Wish" at dahil unang beses sila na nagkasama sa isang proyekto, hindi naiwasan na na-intimidate siya sa leading lady niya.
“At first na-intimidate ako dahil alam natin na mahusay na aktres si Barbie Forteza.
“Talagang pagdating sa mga primetime show at dramahan, kilala siya kaya medyo kinakabahan pa ako.
"Pero noong nasa set na kami, nagkagaanan kami agad ng loob.
“Saka si Jak Roberto, yung boyfriend niya, naka-work ko na rin kaya isa yun sa mga napag-usapan namin.
“Nagkuwentuhan kami ni Barbie. Siyempre, kailangan namin maging kumportable sa isa’t isa para sa mga eksena namin. Okey siya na katrabaho.
“Mahusay talaga si Barbie, unang take pa lang, ibinibigay niya agad lahat which is good kasi naghahabol kami sa sequences, sa araw, sa oras.”