Bagamat natapos na ang pakikipaglaban nina Chivas Malunda at
Michelle "Sheng" Belmonte para sa titulong Grand Star Dreamer ng Pinoy Dream Academy Season 2 ay hindi
nangangahulugang tapos na rin ang kanilang pag-abot sa kanilang mga pangarap na
mas lalo pang pinalalakas ng kanilang pagmamahal sa musika.
Si Chivas na nakilala bilang 'The Husband' ay buong pagmamalaking inihayag na ang kanyang asawa at kapwa PDA Season 2 finalist na si Bunny ang nagbukas sa kanyang mga mata sa musika. Sa katunayan ay Bunny lamang ang kanyang musical influence.
Ang talentong ito nga ni Chivas sa pagkanta ay napansin ng lahat habang siya ay nasa akademiya pero sa kasamaang palad ay napilitan nag pamunuuan ng Academy na i-expel siya dahil sa mangilang beses niyang pagkahimatay. Ito ay para na rin masiguradong walang masamang mangyari sa kanya habang siya ay nasa loob.
Aniya, "Malaki ang aking panghihinayang pero tanggap ko naman po. Nakakahinayang talaga pero 'yon ang naging desisyon, e. Pero masaya na rin ako dahil nakasama kong muli ang aking anak na si Jether."
Ayon pa rin sa kanya, sapat na ang baong mga natutunan mula sa mentors at kapwa scholars sa kanyang planong subukin ang showbiz. "Siyempre po, gusto kong maging recording artist pero hindi rin naman po sarado ang pinto ko sa pag-arte. Depende na lang po siguro sa offers kung meron man."
Naging makabuluhan para sa stand-up comic na si Sheng dahil marami siyang bagong natutunan na siguradong makakatulong sa kanya bilang isang performer. Aniya, "Bukod sa mga vocal techniques at paglalaro sa kamera, natutunan ko pong mag-focus lalo at mahalin pa ang ginagawa ko."
Ayon sa kanya ay sobrang na-miss na niya ang academy at nagigigisng pa rin siya kada umaga na humihiling na scholar pa rin siya. "Wish ko po talaga nasa loob pa ako kasi alam kong malaki pa ang mai-improve sa akin pero gaya nga po ng lagi kong sinasabi, "everything happens for a reason."
Sa ngayon ay balik-raket siyang muli sa mga comedy bars at balak nitong gamitin lahat ng natutunan nito mula sa mga mentors. Umaasa ito na magkaroon siya ng maraming guesting sa TV para maipakita nito lahat ng natutunan sa pagkanta.
Mayroon na silang mga natutunan ngayon at ito bilang pagpapatibay sa posibildad na malayo ang kanilang mararating. Kailangan lang nilang maging pursigido at nakatutok ang kanilang atensiyon sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap na bituin.
Mapapanood ang Pinoy Dream Academy Season 2 Uberture, mula Lunes hanggang Biyernes, 5:30 PM, at Pinoy Dream Academy Season 2 Primetime, pagkatapos ng My Girl, sa ABS-CBN. Mapapanood din ang PDA scholars sa Studio 23, mula 12:00-2:00 PM.