Sumakabilang buhay na si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Jose Luis Martin “Chito” Gascon sa edad na 57 sanhi ng COVID-19.
Ibinalita ito ng kanyang kapatid na si Miguel sa isang Facebook post ngayong umaga ng October 9, 2021.
Ayon sa post ni Miguel: “Sa dami mong laban, sa COVID pa tayo na talo! Love you Kuya!”

Naitalaga bilang CHR chairman si Atty. Gascon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2015.
Magtatapos sana ang kanyang termino sa May 5, 2022.
Bago naging CHR chairman, naging miyembro si Gascon ng Human Rights Victims Claims Board na binuo noong 2013 sa pamamagitan ng Republic Act 10368.
Layon ng Board na maproseso ang pagbabayad sa mga naging biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao noong martial law, sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Isa rin si Gascon sa mga lumaban sa diktaduryang Marcos bilang isang student leader/activist.
UNTAINTED TRACK RECORD IN PUBLIC SERVICE
Naging Board Member siya ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) mula 2010 hanggang 2011, at miyembro ng Office of the President mula 2011 hanggang 2014.
Siya rin ang pinakabatang naitalagang miyembro ng Constitutional Commission na nag-draft ng 1987 Constitution nang maluklok sa kapangyarihan si dating Pangulong Cory Aquino matapos mapatalsik si Marcos.
Sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naging undersecretary si Gascon ng Department of Education, Culture and Sports (Department of Education ngayon), mula 2002 hanggang 2005.
Kabilang siya sa grupo ng mga Cabinet secretaries na tinawag na “Hyatt 10,” na nagbitiw sa kanilang mga posisyon kasunod ng “Hello, Garci” election scandal, kung saan ni-rig diumano ni Arroyo ang pagkapanalo niya sa 2004 national election.
HUMAN RIGHTS CHAMPION
Noong 2017, pinangunahan ni Gascon ang pag-iimbestiga sa mga naganap na pagpatay at pang-aabuso sa ngalan ng anti-drugs campaign ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Umani ito ng batikos mula mismo sa Pangulo, at umabot pa sa puntong ang proposed 678-million-peso budget ng CHR ay pinapa-reallocate para sa body cameras ng kapulisan. Ito ay ayon sa report ng Reuters.
Sinagot ni Gascon ang mga tirada ni Duterte sa kanyang panayam sa CNN Philippines.
Aniya, "On a personal level, they're hurtful, unfortunate, but I understand that this is part for the terrain that I must navigate…. We know that this is the way the President talks."
Ang CHR ay nakapagdokumento at nakapag-imbestiga na ng 3,423 drug-related extrajudicial killings hanggang noong August 31, 2021.
Malaking kawalan ang pagpanaw ni Gascon sa CHR.
Sa pahayag na inilabas ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline Ann De Guia, sinabi nitong ipinagtanggol ni Gascon nang buong puso at paninindigan ang mga karapatang pantao.

"Amidst the unrelenting attacks against the institution and to him personally, he was unwavering and unflinching in fighting for the universal values of freedom, truth, and justice that are essential in the pursuit of human rights," ayon kay De Guia.
Dagdag pa ni De Guia, "He was undaunting in the fight for human rights, rule of law, and democracy out of deep reverence to the equal rights and dignity of all."
Naging inspirasyon rin ng mga kawani ng CHR ang liderato ni Gascon dahil sa katapatan nito.
Aniya, "His leadership in the Commission has nurtured a culture of enabling, empowering, and safe environment that move CHR personnel to always serve with genuine compassion."
Sa isang mensahe, sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na marami ang kumikilala kay Gascon bilang mentor.
"Ang dami niyang natulungan. Ang dami niyang na-inspire sa kanyang tapang at paninindigan.
“His was a constant light in these dark times. It is now up to all of us to tend to this light."
