Pormal nang naghain ng kanyang kandidatura bilang konsehal sa Olongapo City ang aktres na si Claudine Barretto.
Kasama ni Claudine ang mayoral candidate at kanyang manager na si Arnold Vegafria sa pag-file ng certificate of candidacy (COCs) ngayong Huwebes, October 7.
Si Vegafria ay ipinanganak sa city proper ng Olongapo.
Kasama rin sa lineup nila si Mr. World Philippines 2019 JB Saliba, na naghain din ng kanyang COC para konsehal.
Sa kanilang Bangon Olongapo 2022 Facebook page, ibinahagi nila ang mga larawan ng kanilang aktibidad ngayong araw.
Sa isang speech noong September 27, sinabi ni Claudine na magseserbisyo siyang may puso sa mga taga-Olongapo.
Ayon sa 42-year-old actress, “Wala akong masyadong alam pagdating sa pulitika, pero sisiguraduhin ko naman sa inyo, mga kababayan ko, kaya kong magserbisyo nang tunay at may puso.”
Bakit sa Olongapo tumakbo si Claudine?
Ayon sa ulat ng PEP Troika noong September 25, halos buong pandemya ay sa Olongapo na nakatira si Claudine. Doon na rin daw kumuha ng residency ang aktres.
Ang namayapang ama ng aktres na si Miguel Barretto ay nagsilbi rin dati bilang director ng Subic Bay Management Authority (SBMA).
Sabi ni Arnold sa panayam, “Taga-Olongapo si Claudine. Lolo niya, dating governor. Dad niya, former SBMA director.
“Her mom is Ilongga.
“Right now, the whole pandemic nasa SBMA siya.”
Kahapon, October 6, nanumpa ang grupo nina Arnold at Cladine bilang miyembro ng partidong PDP-Laban.

