Naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) ang actor/comedian/TV host na si Anjo Yllana bilang kongresista sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur.
Ang pamilya ni Anjo ay galing sa bayan ng Tinambac.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News ngayong Lunes, October 4, inendorso ng PDP-Laban ang kandidatura ni Yllana.
Suportado rin siya ng pamilya Villafuerte, ang maimpluwensiyang pamilya ng lalawigan.
Matagal nang pabalik-balik si Anjo sa Tinambac, kung saan pinapaayos niya ang kanilang ancestral house doon.
Makakalaban ni Anjo sa 2022 elections ang incumbent congressman na si Arnulf Bryan Fuentebella.
Si Anjo ang ikatlong showbiz personality na lalaban sa mga Fuentebella para sa posisyong congressman.
Una si Aga Muhlach, na tinalo ni Wimpy Fuentebella noong taong 2013. Nasa lagpas dalawang libong boto lang ang lamang ni Wimpy noon kay Aga.
Noong 2016, kinalaban ni Imelda Papin si Noli Fuentebella pero natalo rin ang Jukebox Queen.
Halos pitong daang boto ang lamang ni Noli kay Imelda sa bilangan kaya naghain ng electoral protest ang singer sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET). Ngunit walang nangyari rito.
Si Anjo na kaya ang titibag sa panunungkulan ng mga Fuentebella sa fourth district ng Camarines Sur?
Nagsimula si Anjo sa pulitika sa Parañaque bilang konsehal ng dalawang termino, mula 1998 hanggang 2004.
Noong 2004, tumakbo siyang vice mayor sa nasabing siyudad. Pinalad naman siyang manalo.
Pero hindi na siya pinalad sa kanyang re-election bid noong 2007.
Muli siyang tumakbong vice mayor noong 2010, pero hindi pa rin siya pinalad.
Noong 2013, tumakbo siyang konsehal sa ikalimang distrito ng Quezon City at nanalo.
Muli siyang nahalal sa puwesto at nanilbihan hanggang 2019.
Use these Lalamove promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
