Sa pangalawang pagkakataon, tatangkaing pasukin muli ng aktor na si Richard Yap ang pulitika.
Naisumite na ang certificate of candidacy (COC) ng aktor para sa pagka-congressman ng Cebu City 1st District, ulat ng Cebu Daily News.
Ang asawa ni Richard na si Melody ang siyang naging kinatawan ng aktor sa pagsusumite ng COC sa Commission on Elections-Cebu City, Linggo, October 3, 2021.
Taong 2019 nang tumakbo si Richard bilang representative ng North District sa May 2019 elections sa ilalim ng partidong Barug-PDP-Laban.
Natalo ang aktor at nanalo ang reelectionist na si Congressman Raul del Mar.
Gayunpaman, pumanaw si Del Mar noong November 2020.
Si House Speaker Lord Allan Velasco ang current caretaker ng 1st District.
Noong Hunyo, sinabi ng anak ni Del Mar na si Rachel del Mar na balak niyang tumakbo sa posisyong naiwan ng kanyang ama.
Pero hindi pa nagsusumite ng COC si Rachel.
Si Richard ay kasalukuyang nasa bakuran ng GMA-7, at bibida sa upcoming teleseryeng I Left My Heart in Sorsogon, katambal si Heart Evangelista.
Gayunpaman, sumikat si Richard nang magtambal sila ni Jodi Sta. Maria sa Kapamilya teleseryeng Be Careful with My Heart (2012-2014).
