Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark Herras sa pamamagitan ng Zoom kamakailan lang, isa sa mga itinanong namin sa kanya ay ang naging isyu sa pagitan nila ng dati niyang manager na si Lolit Solis.
Kinumusta namin si Mark kung ano talaga ang naramdaman niya nang lumabas ang pangungutang niya rito ng P30,000.
“Ako kasi ang masasabi ko lang, ang ugali kasi ni Nanay [Lolit], kung feeling niya nananahimik ang mga alaga niya, nagkakaroon siya ng parang nag-iingay for them. Lahat naman ng manager ginagawa yan sa alaga nila.
“Siguro hindi lang siya nakatulong for me and for us kasi nga, pandemic.
"Lahat ng tao nasa bahay. So lahat ng pwedeng makisali, lahat ng pwedeng tumulong, nagbigay ng opinyon nila. Opinyon na tama, opinyon na mali, talagang lahat, sabay-sabay pumasok.
“Kumbaga, the right word, lahat sumali talaga. Positive or negative comments, lahat pumasok talaga.”
Ang hindi lang daw nagustuhan ni Mark sa comments, nadamay pati ang anak nila ni Nicole Donesa, ang eight-month-old na si Corky.
Aniya, “From day one kasi breastfed si Corky, up to now breastfed siya. Siguro wrong timing lang yung naging issue.
“Anyway, tapos na rin naman, hindi ko na ie-elaborate.”
contented with what he has
Si Mark pa naman daw, ang ugali niya talaga, hindi rin siya mahilig na pinag-usapan. Mas gusto raw talaga niyang tahimik lang ang buhay niya.
Sabi nga ni Mark, “Isa yun sa ugali siguro na hindi nagustuhan sa akin ni Nanay. I’m really contented kung ano ang meron ako.
“I’ve experienced the peak of my career during StarStruck. More than 10 years of my career, na-experience ko yun and I’m happy with that.
"I don’t really see myself na nakikipagkumpitensiya pa with other actors or celebrities.
“As long as I’m providing for my family. As long as may project na binibigay sa akin ang GMA. As long as nagagawa ko ang part ko sa project na yun...
"Siguro lalo na ngayon, iba na ang level ng inspirasyon ko sa buhay. Meron na ‘kong asawa, meron na ‘kong anak.
"Gagawin ko kung ano ang tama para sa project ko at sa future project ko. But basically I’m contented kung ano ang meron ako."
not affected by the issue
Sabi namin kay Mark, may mga comment na "P30k lang, wala siya? Ano ang nangyari?"
Hindi ba niya naisip na baka ma-judge na siya nang tuluyan dahil lang sa isyu na iyon?
“Hindi, ako pa ba?” natawang sabi niya.
“Parang hindi niyo naman ako kilala dati pa. Alam niyo naman na tatawanan ko lang ang isyung yan.
"Siyempre this time, I have to explain lang sa wife ko bilang siya nga ang hindi maalam sa mundo ng showbiz.
“Pero kung ako lang yan, dyusko baka kung noon, sumasagut-sagot pa ‘ko. Pero ayoko nang makisali. Ang dami nang nakisali, ayoko nang sumali.
“And for the sake of my wife, I need to protect our family.”
what would happen if Mark and Lolit cross paths again
Hindi pa raw sila nagkakausap ng dating manager mula nang lumabas ang isyu.
Pero dahil nag-post si Lolit sa Instagram ng pagbati noong ikinasal si Mark, nagpasalamat naman daw silang pareho ni Nicole sa naging Instagram post nito.
Sabi pa ng Kapuso actor, “Hindi pa kami nakapag-usap. Pero sa last niyang post regarding our civil wedding, we said thank you naman kay Nanay.
“Si Nanay will always be my Nanay in showbiz. So yun, hindi naman mawawala yun. And wala namang samaan ng loob.
“At ako naman, hindi naman ako magtatanim ng sama ng loob sa isang tao kung basically, issue-issue lang ang nangyari.”
Natawa si Mark sa tanong na kung ano ang mangyayari kung sakaling magkita na silang dalawa.
“Baka sampalin lang ako bigla," natatawang sagot ni Mark. "Alam mo naman si Nanay, every time na magkita kami, may sampal na padaplis.
"I’m sure kapag nakita 'ko no’n, ‘Nay!' 'O, ‘Nak!’ I’m sure sasampalin ako no’n.
“Pero Nanay will always be my Nanay. At hindi mawawala ang respeto ko bilang Nanay Lolit.
"Mula nagsimula ako, until now, nando’n yung pasasalamat ko.”
no regrets
Sa huli, tinanong din namin si Mark kung may nararamdaman siyang pagsisisi.
“Ako kasi yung tipo ng tao na lahat ng nangyayari sa buhay ko, hindi ko naman siya pinagsisisihan,” saad niya.
“Kumbaga, nangyari siya for a reason.
"Kahit sabihin mo na sariling gawa ko yan or nagpasaway ako, like after the peak of my career, I settled for this, I’m contented with what I have.
"Everything happens for a reason.
“Ako kasi ang taong I’m gonna go with the flow. I’m gonna do my part and siyempre, gagawin ko ang dapat kong gawin.
"Ang mga nangyari sa buhay ko, good or bad, yun ang tumulong sa akin para maging wiser or kung ano ang meron ako ngayon.
“Siguro kung pagsisisihan ko yung mga nangyari, I don’t have my wife, I don’t have my Corky.
“Hindi ko naman siya pinagsisihan. I’m really thankful and I’m really happy for everything that happened to me.
"At kahit sabihin ko na, sana hindi namatay ang mga magulang ko that early, I’m sure may dahilan si Lord kung bakit nangyari yun.”
Bukod sa pagkakaroon na ngayon ng sariling pamilya, at muling pagpirma ni Mark ng panibagong tatlong kontrata sa GMA-7, magsisimula na rin siya ng bagong teleserye, ang Artikulo 247.
