May panibagong landas na tatahakin ang dating love team sa defunct Saturday teen show na T.G.I.S. (Thank God It’s Sabado) ng GMA-7 na sina Angelu de Leon at Bobby Andrews.
Magiging abala ang dalawa sa mga susunod na buwan dahil tututukan nila ang kanilang kandidatura sa mga lungsod na kinabibilangan.
Si Angelu ay tatakbo bilang konsehal sa ikalawang distrito ng Pasig City.
Siya ay tatakbo sa tiket ni Pasig City Mayor Vico Sotto at sa running mate nitong si dating Pasig City Congressman Robert "Dodot" Jaworski Jr. bilang vice mayor.
Noong 2019 elections, walang running mate si Vico at wala rin siyang slate para sa mga konsehal ng siyudad.
Inaasahang sa 2022 elections ay full slate na si Mayor Sotto sa kanyang tiket.
Samantala, makikita sa campaign poster ni Angelu ang kanyang hashtag na #ANGELwithU.
Ginamit din niya ang acronym na T.G.I.S. para sa Tapat, Gawa, Ina, at Serbisyo.

Sa kabilang banda, tatakbo naman si Bobby sa ikaapat na distrito ng Quezon City bilang konsehal.
Kasama siya sa slate ni Marvin Rillo na tatakbong kongresista sa distrito.
Ang slogan naman ng aktor ay “Basta ikaw Aprub.”
Ang mga hastag niya ay #BobbyAndrewsLovesQC, #BastaIkawAprub, at #TeamPanalo.

Sa Biyernes, October 1, na ang simula ng filing ng certificate of candidacy (COC). Inaasahan na ang pagsulpot pa ng maraming personalidad na papalaot sa pulitika.
Nauna nang nagdeklara ng kanilang intensiyong tumakbo sa 2022 elections sina Jolo Revilla, Nash Aguas, Arjo Atayde, at Aiko Melendez.
Tatakbo rin sina Yul Servo, Javi Benitez, at Claudine Barretto.
Hanggang October 8 lamang ang filing ng COCs.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
