Puno ng paghihinagpis si Sally Jonson sa biglaang pagpanaw ng anak niyang si Bree Jonson.
Si Bree ay ang 30-year-old painter na natagpuang walang buhay sa kuwarto ng tinuluyan nitong resort sa La Union.
Idineklarang dead on arrival sa ospital si Bree noong Sabado ng madaling-araw, September 18.
Ayon sa lumabas na police report noong Lunes, September 20, natukoy na kasama ni Bree sa loob ng kuwarto si Julian Ongpin, na isang angel investor at art patron.
Kinilala rin si Julian bilang anak ng bilyonaryong negosyante na si Roberto Ongpin.
Nitong umaga ng Martes, September 21, eksklusibong nakapanayam si Sally ng ANC news anchor na si Karen Davila.
Ibinahagi ni Sally na siya ay residente sa Canada.
Nalaman daw niya ang tungkol sa pagpanaw ni Bree nang kontakin siya ng malapit na kaibigan ng anak via Facebook Messenger.
Ayon kay Sally, alam niya ang tungkol sa plano ni Bree na magtungong La Union ngayong buwan ng Setyembre.
Karaniwan daw kay Bree na magtungo sa remote area sa tuwing may pinaghahandaan itong art project.
Pero wala raw ideya si Sally kung anong eksaktong petsa ng pagpunta ni Bree sa La Union.
Ang paalam sa kanya ng anak, tutuloy ito sa bahay ng kaibigan nitong artist sa La Union.
"Hindi ko alam na may kasama siya," saad ng ina ni Bree.
SALLY DISCOVERS JULIAN IS HER DAUGHTER'S BOYFRIEND
Sa pakikipag-usap ni Sally sa malapit na kaibigan ni Bree, saka lamang daw niya nalamang kasama ng anak si Julian.
Wala raw anumang nabanggit sa kanya si Bree tungkol kay Julian at kung sino ito sa buhay ng pintor.
Nito na lamang pumanaw ang anak nalaman ni Sally na may nobyo ito.
Paliwanag ni Sally: "No. Wala akong alam na may boyfriend si Trixie [Bree].
"Usually, she would inform me. Sometimes she would keep it until na time na she can tell me na.
"But this time, when that friend who contacted me said she's with Julian, I said, 'Who's that?' And then she said, 'Bree's boyfriend.'
"Ni hindi ko nga alam kung sino 'yan si Julian. And then, nung sinabi yung last name Ongpin, yeah, pamilyar yung last name."
May nasabi pa si Sally na nalaman din niyang hindi aprubado ng ilang mga kaibigan ni Bree ang pakikipagrelasyon nito kay Julian dahil sa hindi magandang impresyon ng mga ito sa binata.
Iyon lang daw ang impormasyong nakuha ni Sally sa mga kaibigan ng anak.
SALLY claims daughter bree did not overdose on drugs
Diretsahang tinanong ni Karen si Sally kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpanaw ni Bree.
Ito ay sa dahilang natagpuan ng pulisya ang 12.6 grams ng cocaine sa loob ng kuwarto nina Bree at Julian sa isang resort sa La Union.
Naniniwala si Sally na hindi gumagamit ng ilegal na droga si Bree, na kung tawagin niya ay "Trixie." Trixie ang palayaw kay Bree ng mga kapamilya nito.
"Ang alam ko, si Trixie, hindi gumagamit ng ganyang klaseng drugs.
"In fact, ang alam ko, she's against it. Hindi ko rin ganoon kaano... But yun ang alam ko," saad ni Sally.
Dagdag niya, "Meron din kasing nasabi na meron siyang ibang medicines. Pero yun ay for her personal... Like, meron siyang mga anti-anxiety medications.
"Pero [illegal] drugs, definitely no."
Mariin ding kinontra ni Sally ang mga kumalat na ulat sa media na pumanaw si Bree dahil sa drug overdose o apparent suicide.
Ikinuwento ni Sally na nakita niya ang litrato ni Bree kunsaan makikita ang hitsura nito noong ito ay pumanaw.
Iminuwestra niyang may dalawang marka na paikot sa leeg ng anak.
Hirap ang loob na lahad ni Sally: "I asked my sister to send me a picture of my daughter. Kasi gusto ko makita.
"From that picture alone, makita mo talaga may mark si Briana sa leeg, dalawa. Tapos may pulang pressure sa gitna.
"Maiisip mo na something happened there.
"Kasi ang pinapalabas nila, ang nagsi-circulate sa social media is that nag-OD or nag-suicide yung anak ko, e. Hindi, e."
SALLY ON JULIAN'S alleged inconsistent TESTIMONY, MUG SHOT
Ayon pa kay Sally, may inconsistency sa salaysay ni Julian sa pulisya tungkol sa pagpanaw ni Bree.
"Iba-iba yung lumabas na testimony ni Julian din.
"Ang una, sabi niya, nakita daw niya tumakbo, nagkulong daw sa banyo yung anak ko, and she hanged herself.
"Tapos yung lumabas kahapon, nakita siya on the bed lifeless. So, di ba...
"At saka siya ang nag-ask lumabas at nag-ask ng help para madala sa hospital si Bree."
Ibinahagi rin ni Sally ang obserbasyon niya sa hitsura ni Julian nang makita ang mug shot nito na kinunan ng pulisya.
"And kahapon, may nag-send ng mug shot ni Julian. Talagang nakakatakot, nakakapanindig-balahibo.
"Yung arm ni Julian, may mga deep scratches. So, ano yun? Talagang nanlaban yung anak ko?
"Sinong gagawa nun sa kanya? It's a fresh, deep scratches sa arm niya.
"Sabi ko sa mga kapatid ko, 'Hindi ba puwede kunan ng sample yung fingertips ng anak ko? Baka puwede natin ipa-DNA test yun.'"
Nang makapanayam si Sally ay hindi pa lumalabas ang resulta ng autopsy kay Bree, na ginanap noong 8:30 p.m. ng Lunes, September 20.
Kahapon lang din dumating sa bansa si Sally mula sa Canada.
Aniya, ang ama ni Bree at kapatid niya ang nasa La Union upang subaybayan ang imbestigasyon sa pagpanaw ng dalagang pintor.
WHAT THE RESORT EMPLOYEES SAID
Nakarating kay Sally ang impormasyon mula sa sinumpaang salaysay ng apat na empleyadong rumesponde nang humingi ng tulong si Julian sa mga ito.
Lahad pa rin ni Sally sa ANC: "According sa employees ng Flotsam and Jetsam resort where they stayed, dumating daw sila ng resort around 8:30 p.m. [ng Friday], and they were picked up by a friend to party.
"Uminom sila. And then bumalik sila midnight.
"And then they heard na noise na nag-aaway, may commotion. And then they heard a loud noise. And then that's it.
"Kinatok daw nang kinatok, and yun na, wala na, lifeless na yung daughter ko.
"Kasi pagdating sa hospital, she's gone na, e. Di na umabot sa hospital."
Tila ang tinutukoy ni Sally na kinatok nang kinatok ng mga empleyado ay ang resort bathroom kunsaan sinasabing natagpuang walang buhay si Bree.
SALLY ON JULIAN GETTING BAIL
Una nang naiulat na sasampahan ng reklamong possession of illegal drugs si Julian dahil sa natagpuang cocaine sa kuwarto nito at ni Bree.
Pero ayon kay Sally, nakapagpiyansa si Julian kaya ito pinakawalan ng pulisya.
"Nakakalungkot. Just to give you an update, si Julian ay na-detain sa presinto sa La Union because of possession of drugs.
"But [on] Monday, the fiscal released him.
"Ang pagkakaalam ko sa law sa Pilipinas, possession of [illegal] drugs is non-bailable.
"The fact na it's a different kind of high drug, and yung quantity is talagang madami."
SALLY APPEALS FOR HELP FROM PRESIDENT DUTERTE, DOJ
Sa huli, nanawagan si Sally kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na maglabas ng lookout bulletin order para kay Julian dahil sa aniya'y "possible involvement" nito sa pagpanaw ni Bree.
Sana raw ay maglabas ng hold-departure order para sa reklamong illegal possession of drugs laban kay Julian.
Sabi ni Sally, "And I would like to emphasize this urgency because si Julian ay baka nakalabas na ng bansa."
Nanawagan din si Sally sa "kababayan" na si Pangulong Rodrigo Duterte na mapabilis ang pagbigay sa kanya ng swab test at payagan siyang makapunta agad ng La Union para makita ang labi ng anak.
Kasalukuyang nasa Day 2 ng quarantine si Sally bilang bahagi ng protocol ng hotel na tinuluyan niya rito sa Metro Manila.
Day 5 pa ang nakatakdang pagkuha sa kanya ng swab test, at halos dalawang linggo ang quarantine protocol sa tinuluyan niyang hotel.
Plano ng pamilya ni Sally na magkaroon ng dalawang araw na lamay para kay Bree, bago dalhin ang labi nito sa hometown ni Sally sa Davao.
Naluluhang apela ni Sally kay Pangulong Duterte, "Sana matulungan mo kami, na ako makakuha ng shortened quarantine, and for justice sa anak ko.
"Kasi marami namang signs na di siya nag-OD, hindi siya nag-suicide."
Sa hiwalay na ulat ng ABS-CBN News Online nitong Martes ng hapon, September 21, nakasaad na natanggap na ni DOJ Secretary Guevarra ang request ni Sally.
Nakatakda raw maglabas ang DOJ ng immigration lookout bulletin order sa immigration para kay Julian gawa ng reklamong possession of illegal drugs na kinahaharap nito.
Inilabas din ng DOJ ang kopya ng mug shot ni Julian, kunsaan makikitang may apat na malalim na gasgas sa left forearm nito.
Ayon sa Facebook post ng ABS-CBN News, nakasaad na sinabi ni Philippine National Police chief Guillermo Eleazar na nagpositibo sa droga si Julian.
