Whirlwind romance ang pag-iibigan noon nina Vilma Santos at Edu Manzano.
Baguhan pa lang sa showbiz si Edu, na agaw-pansin sa pagiging laking-Amerika nang unang sumabak sa pagmomodelo.
Kuwento ni Vilma, lihim silang nagpakasal ni Edu sa Las Vegas, Nevada, nang hindi ipinaalam ng aktres sa kanyang sariling ina.
Nasa U.S. noon si Vilma para sa shooting ng pelikulang Gusto Kita, Mahal Ko Siya noong 1980.
Inalala ito ni Vilma sa one-on-one interview niya kay Luis Manzano, ang bunga ng pagmamahalan nila ni Edu.
Balik-tanaw ni Vilma: "Nung nandun ako, may ginawa akong pelikula with Romeo Vasquez and Christopher de Leon.
"Pagkatapos namin gawin yun, dun na kami nagpakasal ng daddy mo.
"Nakalihim yun sa lahat. Pati kay mama ko, nakalihim yun. Tumakas kami.
"After nung napakasal, after nag-honeymoon, ipinagbuntis na kita."

SUDDEN PREGNANCY
Bago pa raw makabalik ng Pilipinas ay may pakiramdam na si Vilma na nagdadalantao siya.
Tinawag ni Vilma na "honeymoon baby" si Luis.
"I was feeling bad already nung nasa States pa ako, nagsyu-shooting pa. And then, pag-uwi rito, pina-check ako, and it was positive," aniya.
Inamin ni Vilma kay Luis na puno siya ng pag-alala nang una niyang malamang buntis siya.
Kasagsagan iyon ng kasikatan ni Vilma, na noon lamang taong iyon ay bumida sa labindalawang pelikula.
Lahad ng Star For All Seasons: "Parang di ako makapaniwala, anak. 'Buntis na ako?'
"Alam mo, medyo napaisip ako, 'Paano na kaya yung career ko? Paano kaya yung mga pelikula kong ipapalabas? Paano ko kaya sasabihin sa mga tao na buntis ako?'
"Parang ang bilis ko nabuntis. Nagsyu-shooting pa ako. 'Paano kaya gagawin ko?' Parang may mga ganun pa ako that time."
Ano ang reaksiyon ni Edu?
Sagot ni Vilma, "Masyado siyang excited, sobra. Ako naman, naisip ko, 'Naku! May pelikula pa ako. Papa'no ito? Aaminin ko na.'
"Although kasal naman na kami nun. Yung right timing lang na ibalita ko na, 'Buntis na po ako, magkakaanak na ako.'"

TELLING HER COLLEAGUES ABOUT HER SECRET WEDDING AND PREGNANCY
Bukas sa pagsabi si Vilma na pakiramdam niya ay makakaapekto ang pagbubuntis niya sa kanyang career.
Aniya: "Kasi noon po kasi, ang mga artista, takot mabalita na may anak o mabubuntis.
"Parang maiiba yung tingin sa kanila ng tao. Parang pag may anak ka na, di ka na leading-lady type. Nababawasan yung kasikatan mo."
Bukod sa pamilya niya, ang unang nakaalam ng pagdadalantao ni Vilma ay ang direktor na si Emmanuel "Maning" Borlaza at ang aktor na si Christopher de Leon, aka Boyet o YetBo kung tawagin ni Vilma.
"Hindi ko alam kung natatandaan pa niya. Kasi nasa kotse kami nun. Manila na, from the States.
"Nung nandun kami sa kotse ni Yetbo, sabi ko sa kanya, 'Buntis ako.' 'Dyusko naman! Kung anu-ano bini-break mo sa aking bali-balita, e.'"
Hindi raw makapaniwala noong una si Christopher.
Dagdag ni Vilma, "Sabi ko, 'Buntis ako. Hindi ko pa lang sinasabi sa mga tao kasi hintayin muna natin ipalabas itong pelikula bago ko aminin na buntis ako.'"
Noong October 3, 1980 ipinalabas ang Gusto Ko Siya, Mahal Ko Siya, na pinagbidahan nina Vilma, Christopher, at Romeo.

BREAKING THE NEWS TO THE PUBLIC
Hanggang sa nagdesisyon si Vilma na ipaalam sa publiko ang tungkol sa kanyang pagpapakasal at pagbubuntis.
Kuwento pa rin ni Vilma sa anak na si Luis: "Nung sinabi ko na ready na ako sabihin na I was pregnant with you, talagang in-announce ko, 'Buntis na po ako.'
"Bahala na kung di nila ako tanggapin kasi may asawa na ako, manganganak na ako.
"Pero baliktad ang nangyari. That's why you're so lucky. Bumaliktad lahat for the better. Nagdoble-doble ang suwerte ko. God is so good."
"Lucky" ang kilalang palayaw ni Luis.
Matapos ianunsiyo ni Vilma ang kanyang pagbubuntis ay nagtambal sila n Edu sa pelikulang Romansa, na shinoot nila sa U.S.
Ipinalabas iyon sa mga sinehan noong November 21, 1980.
Ani Vilma, "Iyan ang pelikula na ginagawa namin abroad, Romansa. Ang director ko was Maning Borlaza, under Tagalog Ilang-ilang Productions."
Pinalabas ang panayam ni Luis kay Vilma sa vlog ng Kapamilya TV host nitong September 7.
Sa hiwalay na panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), noong Mayo 2021, ikinuwento ni Vilma na ipinagbubuntis niya si Luis nang siya ay dumanas ng financial crisis.
Nalubog siya sa utang dahil sa "mismanagement" sa production company na itinayo niya, at umabot ng PHP8 million ang utang niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Todo-kayod si Vilma sa paggawa ng mga pelikula para mabayaran ang utang niya noon.
Sabi ni Vilma sa PEP.ph: "I'm lucky and I'm so blessed that I was given a second chance to recover. Kasi pagkapanganak ko nun kay Lucky, at least tinanggap pa ako ng publiko.
"Nabuntis na ako, nanganak na ako. And still, iyong publiko tinanggap pa rin ako.
"Doon ko nakuha iyong mga Best Actress, good films, box office, after I gave birth to Lucky."
VILMA SANTOS'S BREAKUP WITH EDU MANZANO
Pero limang taon lang ang itinagal ng buhay mag-asawa nina Vilma at Edu.
Taong 1985 nang magdiborsiyo ang couple.
Sa hiwalay na heart-to-heart talk ng mag-inang Vilma at Luis noong August 24, ibinahagi ng aktres na naging tapat sila ni Edu kay Luis tungkol sa kanilang hiwalayan noon.
"Unfortunately, hindi naging successful ang marriage namin ni Eduardo, I think you were four years old then," ani Vima.
Singit ni Luis, "Kinausap nila ako."
Patuloy ni Vilma, "Oo, kinausap ka namin talaga. Alam niyo kung saan namin siya dinala? Sa Libingan ng mga Bayani, kasi walang tao dun.
"Basta naalala ko, kinausap ka naming dalawa. And then, kahit four years old ka nun, ipinaliwang namin kung ano yung nangyayari sa relationship namin at ipinaalam namin sa iyo na mahal ka namin.
"Alam mo kung ano sinagot mo? Sabi lang niya sa amin, 'It's okay. Boy need girl, Girl need boy.' Yun ang sinabi mo anak."

UNCONVENTIONAL BUT HAPPY FAMILY
Kinalaunan ay nakilala at naging nobyo ni Vilma ang noo'y business economist na siRalph Recto. Ikinasal sila noong December 11, 1992.
Ipinanganak ni Vilma si Ryan Christian noong March 29, 1996.
Sa kaso ni Luis, hiwalay man ang mga magulang ay hindi iyon naging hadlang sa magandang relasyon nila ng kanyang stepfather at kapatid na si Ryan.
Ayon naman kay Vilma, "Anyway, ngayon kami ng dad mo, napakaganda ng aming samahan.
"Maligaya rin siya sa buhay niya ngayon, and same here. Basta ang importante, we're one family, anak."

Malapit din si Luis sa dalawang kapatid sa ama na sina Addie at Enzo. Anak ni Edu sina Addie at Enzo sa dating nobya na si Rina Samson.
