"Fake news" ang kumakalat na balitang matatanggal na sa It's Showtime si Kim Chiu.
Galing ito mismo sa 31-year-old actress-TV host sa episode ng It's Showtime ngayong Biyernes, September 3.
Sa segment na "Madlang Pi-Poll," sinagot ni Kim ang tanong kung nabiktima na ba siya ng fake news.
Natatawang sagot ni Kim: “Tatanggalin daw ako dito. Araw-araw kasi iyon, e. Ang sakit din sa ulo.”
Sabi naman ni Vice Ganda, na siyang naghu-host ng segment, “Ang dami namang naniniwala, inaaway naman iyong Showtime!
"Diyos ko, ito namang mga taong ‘to, oh. Nakakaloka!”
Simula noong nakaraang linggo ay pumutok sa social media ang tsismis na tatanggalin na raw si Kim sa It's Showtime.
Mas pinatibay pa ang mga haka-hakang ito nang mapansin ang katahimikan ni Kim sa paghu-host ng programa noong August 28.
Bukod pa rito, wala na raw siyang hinu-host na sarili niyang segment.
Noong August 29, may cryptic post naman si Kim tungkol sa pagiging taken for granted dahil sa kabaitan.
Ni-repost ito ng kasintahang si Xian at in-assure siyang mahal siya nito at ng publiko.
Nanatili namang tahimik ang dalawa sa ibig sabihin ng quotes na ito, pero marami ang nagkonekta nito sa pagiging tahimik ni Kim sa It's Showtime noong August 28.
