Limang tips ang ibinigay ni Karen Davila, 50, kay Lyca Gairanod, 16, bilang isang teenager.
Ang mga payo ng ABS-CBN News anchor sa The Voice Kids (Philippines) grand winner ay may kinalaman sa relasyon, sex, edukasyon, at pag-iipon.
Unang advice ni Karen: “For you, Lyca, at sa mga kaedad mo, huwag basta-basta magkaka-boyfriend.”
Paalala ng veteran broadcaster, "So, huwag basta-basta magkaka-boyfriend, and ang mangyayari ibibigay mo na yung virginity mo.
“If you’re still a virgin and you’re a teenager, hold on to your virginity and purity.
“Kumbaga, huwag yung unang boyfriend mo, ang mangyayari, yun ang iisipin mo.
“Yung unang boyfriend mo, ‘tapos niyan, magse-sex na kayo.
“And before you know it, break na kayo. And after that, wala na.
“So, you have to parang value yourself.”
Nagbigay ng "ate tips" si Karen sa YouTube vlog ni Lyca na in-upload noong Biyernes, August 18.
Paalala pa ni Karen kay Lyca at sa kapwa nito teenagers, dapat ay gawing kayamanan ang sarili.
“So, parang ibinigay mo na ‘yon sa lalaki, wala na... yun na ‘yon.
“So, wait for the right time, the right guy, and right maturity.”
May kaugnayan naman sa first tip ni Karen ang ibinigay niyang pangalawang advice: “Huwag magpapabuntis nang maaga.”
Ayon kay Karen, ito ang isa sa mahigpit na habilin ng kanyang ina noong estudyante pa siya.
“When we were growing up, nasa college ako, sabi ng nanay ko, ‘Karen, please, huwag kang mabuntis nang hindi ka handa. Kasi lahat ng hinirap natin sa ‘yo, parang mawawala ang focus.’”
Tinandaan daw ito ni Karen. Tnulungan muna niya ang kanyang pamilya bago nag-asawa at nagkaanak.
Ikinasal si Karen sa TV5 executive na si DJ Sta. Ana noong 31 years old siya.
Nabuntis si Karen sa edad na 32.
Dalawa ang kanilang anak: isang 19 anyos at isang 13 anyos.
ADVICE ON STUDIES, SAVINGS, AND SPIRITUALITY
Pangatlong advice ni Karen kay Lyca: “Finish your studies.”
Dagdag niya, “It is so tempting na huwag magtapos kasi magtatrabaho. Pero if you can, kayang tapusin ang kolehiyo...”
Ayon kay Karen, walang ari-ariang ipinamana ang kanyang mga magulang kundi ang pag-aaral. Pero ipinagmamalaki ni Karen na siya ay self-made.
Pang-apat na tip ng news anchor kay Lyca ay ang mag-ipon.
Payo niya kay Lyca, habang bata pa ito ay magtabi na ng pera at huwag waldasin ang kinikita.
Tinuruan pa niya ng tips ni Lyca kung paano mag-ipon, kagaya ng pagtatabi ng pera bago isipin ang bibilhin kapag may darating na pera.
Panghuling payo ni Karen: “Ultimate success formula habang bata kayo, already have a relationship with the Lord.”
Sabi ni Karen, ang napapariwara sa murang edad ay ubos oras, pera, at maraming heartbreaks.
