Caught In The Act ang pamagat ng bagong pelikula ng direktor na si Perry Escaño, na ayon sa kanya ay parte ng isa sa mga thesis niya sa mahusay na scriptwriter na si Ricky Lee.
Isa si Perry sa mga participants sa scriptwriting workshop ni Ricky.
Lahad niya, "So in-enhance yung script, ginawang modern siya, kasi parang kailangan natin ngayon ng mga modern stories talaga na makaka-relate yung mga audience natin regarding sa social media."
Sa pelikula, ang Caught In The Act ay pangalan ng isang app na naimbento ng mga estudyante mula sa thesis nila. Sa pamamagitan ng app ay makaka-witness sila ng mga krimen sa society at sa community.
Pakli niya, "Caught in the act na nawi-witness nila yung mismong crime."
FROM FICTION TO REALITY?
Walang ganitong klaseng app sa tunay na buhay, pero sa palagay ba ni Perry ay may tsansa na maka-imbento nga ng ganitong klaseng app?
Paninigurado niya, "Puwede naman! Open naman yung mga gagawa ng ganyan. Kung gusto nilang gawan ng app yung Caught In The Act, maganda."
Pero tila mapanganib ang ganitong app kung gagamitin sa tunay na buhay.
"Siguro naman meron naman sigurong mga kahit papaano, mako-kontrol naman ng... nandiyan naman yung mga authorities natin, e. Para mabigyan ng pansin yung app na ganito."
PERRY THANKFUL FOR RICKY LEE'S PRICELESS ADVICE
Ilang porsiyento ang impluwensiya ni Ricky sa pagbuo ng script?
"Naka-hands-on kasi si Sir Ricky Lee sa amin, e—from sequence treatment pa lang, hanggang sa ginagawa namin yung whole script. So, nakasubaybay siya sa amin.
"Dun nga ako humahanga kay Sir Ricky Lee, kasi halos lahat kaming mga estudyante niya talagang binibigyan ng time sa umaga talaga.
"Tapos, kapag magkakaroon kami ng workshop sa hapon, sinasabi niya kung ano pa yung kailangang idagdag. 'Kailangan i-improve mo pa yung character ng ganito,' 'ito dapat i-develop mo pa.'
"So hands-on siya sa amin talaga. Kaya maestro talaga dahil sobrang galing talaga ni Sir Ricky Lee.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Perry at ang cast ng Caught in the Act nitong July 19 sa Studio Blanc, sa San Juan City para sa pictorial ng kanilang pelikula.
PERRY NARRATES FIRST-HAND EXPERIENCE AS CRIME WITNESS
Samantala, dahil tungkol sa app in witnessing crimes ang pelikula, naikuwento ni Perry na naka-witness na siya ng krimen sa totoong buhay.
Kuwento niya, "Napunta kami sa isang lugar, parang public school. May activity noon, mahilig kasi kaming manood ng band-band noon, and yung isang kasama ko, nasaksak siya, wala kaming nagawa, tumakbo na lang kami."
Sixteen years old daw sila noon nung naganap ang pananaksak sa kanyang kaibigan. Pumanaw ang naturang kabarkada niya na napagtripang saksakin, pero nahuli raw naman ang nanaksak.
Dagdag niya, "Tapos, nung college ako, naka-witness na rin ako ng hinoholdap sa bus."
Ang mga artista ng Caught in the Act ay sina Pinoy Big Brother 2nd Big Placer Andi Abaya, Bamboo B. at Jhassy Busran.
Bida rin sa pelikula si Joaquin Domagoso na hindi namin inabutan sa pictorial.
Artista rin si Perry, ilan sa mga nagawa na niya bilang aktor ay Magpakailanman, Onanay, Die Beautiful, My Husband's Lover, Poor Señorita, Amaya, I Heart You Pare, at marami pang iba.
Ayaw na ba niyang mag-artista?
"Open pa naman pero mas happy na ako ngayon behind-the-camera. Mas gusto kong mag-focus na talaga sa directing," giit niya.
Bilang direktor, pangatlong pelikula na ni Perry ang Caught In The Act. Siya rin ang direktor ng Ang Guro Kong 'Di Marunong Magbasa at Ang Sikreto Ng Piso.
Bukod dito ay gumagawa rin ng mga short films at documentary si Perry.
Nais ni Perry (na siya ring producer ng Caught In the Act thru his MPJ Entertainment Productions) na mapili ang kanyang pelikula para sa Metro Manila Film Festival 2021 sa Disyembre.
