Pumanaw na si Arlene Sinsuat-de Castro, ang asawa ng ABS-CBN news anchor at dating vice president na si Noli de Castro.
Kinumpirma ito ng anak nina Noli at Arlene na si Kat de Castro, general manager ng PTV-4.
Isang litrato ang ipinost niya sa kanyang Facebook account na may caption na: "I love you Mommy very much. [three broken heart emojis]. Rest now Mommy."
Sa hiwalay na Facebook post ni Kat, sinabi niyang umaga ng July 31 pumanaw ang kanyang ina at pinaplano pa nila kung paano ang magiging burol ni Arlene.
Wala namang binanggit na dahilan si Kat tungkol sa pagpanaw ng kanyang ina.
Saad niya, "My Mom passed away this morning. Thank you for your prayers.
"As of now, we are still finalizing plans for her burial.
"I feel so down. My head hurts and my tears never seem to stop."
Ipinanganak si Arlene noong April 18, 1955 sa Cotabato City.
Bukod sa pagiging asawa ni Noli, kilala si Arlene bilang media practitioner.
Taong 1986 nang sumali siya sa ABS-CBN bilang executive producer ng ilang programa tulad ng PEP Talk at Magandang Umaga Po.
Noong 1990s, naging Vice President for Current Affairs Department si Arlene.
Pinamunuan niya ang ilan sa mga matagumpay na programa ng Current Affairs katulad ng Pipol ni Ces Drilon at ang Magandang Gabi Bayan kung saan si Noli ang host.
Pagkatapos niyang maging bahagi ng ABS-CBN, nagpatuloy pa rin sa pagpo-prodyus ng public service programs si Arlene sa pamamagitan ng Bayan Productions.
Isa sa pinakamatagal na naging programa ng Bayan Productions ay ang Kabuhayang Swak na Swak.
Nagbigay rin ng statement ang ABS-CBN Integrated News chief na si Ging Reyes sa pagpanaw ni Arlene.
Saad niya sa report ng ABS-CBN News, "The ABS-CBN News team mourns the passing of a dear colleague and friend, and will always remember her valuable contributions to the organization."
"She had a kind heart. And she fought for her team and their shows."
