Nirerespeto ni Robi Domingo ang desisyon ng dating Kapamilya stars na lumipat ng ibang istasyon.
Higit isang taon na ang nakalilipas mula nang pagkaitan ng Kongreso ng prangkisa ang ABS-CBN, na naging dahilan ng pagkawala hindi lang ng mga dating empleyado pati homegrown talents nito.
Walang partikular na personalidad na binanggit si Robi, pero hindi kaila ang paglipat ni Maja Salvador sa TV5. Lumipat naman sina Bea Alonzo, Beauty Gonzalez, Richard Yap, at Pokwang sa GMA-7.
Sa panayam ng Cinema News nitong Hulyo 23, inamin ni Robi na nakaramdam siya ng lungkot sa pag-alis ng ibang mga Kapamilya.
"Siyempre nakakalungkot na sa ganitong pagkakataon, sa ganitong sitwasyon, di mo sila makikita muna pansamantala, lalung-lalo na sa panahon siguro na kailangan maging sandigan ka, e," saad ni Robi.
Dagdag niya, "Dapang-dapa na, e. Nakahiga na yung istasyon. Kailangan natin ng mga kamay na maggagarantiya na, 'Andito kami, di ka namin iiwan.'"
Sa kabilang banda, naniniwala rin si Robi na may kanya-kanyang dahilan ang mga nag-ober da bakod.
"Pero inisip ko na rin, kung nagpaalam naman nang maayos...
"Marami namang dahilan siguro yung mga lumipat, at may magandang rason kung bakit sila pinayagan.
"Kung ganun, I have nothing but respect [for them]."
Sabay diin niya, "Pero sa lahat ng mga nanatili at sa lahat ng patuloy na lumalaban, iba ang pagsaludo ko sa kanila."
Hanga raw si Robi sa ABS CBN top executives na hindi hinadlangan ang mga artistang lumipat sa kung saan sa palagay nila ay uunlad sila.
"Personal na pagtingin ko lang diyan, lalung-lalo na yung mga taong nakapaskil yung mukha sa main building," tukoy ni Robi sa pictures frames ng Kapamilya stars na nakasabit sa hallway ng ABS-CBN.
Sina Maja, Bea, at Pokwang ay kasama sa mga kilalang Kapamilya stars na may litrato sa gallery. Makikita rin sa gallery si John Lloyd Cruz na matunog na nakatakdang gumawa ng programa sa GMA-7.
Patuloy ni Robi, "Alam mo nung isang araw napadaan ako dun, tapos tinitingnan ko lang.
"[Sa isip ko] ang bait ng management ng ABS-CBN, sobra. Isipin mo naman kung ano ang ibinigay ng ABS-CBN.
"Instead na sabihin nila yun, sinabi nila, 'Kung saan ka siguro mas maggo-grow. At pag nakabalik, let's see. Sana bukas ang pintuan pa rin.'"
NOT GIVING UP ON ABS-CBN
Aminado si Robi na dama pa rin niya ang sakit na pagkaitan ng prangkisa ang kanyang home network.
Lahad niya: "Siyempre sa una, sa mga panahon na ipinagkait, napulitika yung prangkisa, di mawawala yung sakit ng pakiramdam.
"Una lungkot, tapos inis, tapos napunta sa galit. Pero ngayon nandun ako sa lalaban ako hanggang dulo.
"Naniniwala ako sa serbisyong binibigay ng ABS-CBN."
Si Robi ay 13 years nang Kapamilya mula nang tanghalin siyang Second Big Placer sa Pinoy Big Brother Teen Edition Plus noong 2008.
Siya ay bahagi ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN. Kasalukuyan siyang napapanood bilang host ng Game KNB? at mainstay ng ASAP Natin 'To.
Nangingibabaw raw ang inspirasyon sa tuwing papasok siya sa trabaho.
"Saka ngayon, pag pupunta ka sa loob ng building, sa loob ng studio, iba yung pakiramdam.
"Nandun yung kalungkutan, na siyempre nami-miss mo yung mga tao na palaging pumapasok dun, na dahil sa pandemiya, wala nga tayong audience, kaunti ang puwedeng mamalagi dun.
"Pangalawa, dahil nga nawalan ng prangkisa, yung dating mga mukha na nakikita mo, wala na rin sila doon.
"Pero nabibigyan ng bagong kahulugan yung pagpasok namin sa building ng ABS-CBN kasi nakikita mo yung gigil na iparamdam sa lahat na kahit ano ang nangyari, kahit ganito ang sitwasyon, nandito kami, nandito tayo para sa mga Kapamilya natin."
Nakagawa na rin ng sariling pangalan sa hosting, siniguro ni Robi na kahit ano ang mangyayari ay mananatili siyang Kapamilya.
"More than the fact na dito ako lumaki, dito ako nakilala, at dito ako natuto, mahal na mahal ko ang istasyon na ito.
"Pag nandun ka sa loob, hindi lang mga katrabaho mga nakikita mo, mga miyembro na ng pamilya mo. Dun sa pamilya na yun nagtutulungan kayo, nag-uusap na sana lahat ng nangyayari.
"Kung ano ang gagawin ninyo dun, makakaapekto at magbibigay ng liwanag at ligaya sa lahat ng manonood."
Naniniwala raw siya sa layunin ng ABS-CBN na serbisyo-publiko.
"Siyempre, importanteng-importante isipin na, 'Bakit nga ba natin ginagawa ito? Bakit nga ba tayo nandito?'
"Siyempre mapapaisip ka rin, 'Hala, ano kaya ang mangyayari din sa amin kung saka-sakali, lalo na sa paparating na eleksyon? Bakit nga ba kami namamalagi?'
"Dahil naniniwala ako sa lahat ng mission at vision ng ABS-CBN.
"Saka the very fact na yung mga boss pinakita nila na lalaban kami, nandito kami, di kami aalis, di namin kayo iiwan."
"MAKAKABALIK DIN TAYO."
Nagbigay rin ng mensahe ang TV host sa mga kapwa Kapamilya na patuloy na nakikipaglaban para sa network.
"Nagiging emosyonal ako pag naiisip ko ang [sitwasyon ng] ABS-CBN pa rin, lalo na yung mga empleyado.
"Kapit lang, babalik tayo. Malapit na, malapit na.
"Patuloy tayong lalaban, huwag kayong mawawalan ng pag-asa dahil ang daming platforms ngayon, e."
Bukod sa online platform at cable channels, malaking bagay raw na umeere pa rin ang ABS-CBN shows sa pamamagitan ng blocktime agreement sa ibang networks.
"Isa ako sa talagang nagpapasalamat sa online, sa A2Z, sa TV5, dahil nabibigyan tayo ng pagkakataon na makapagbigay ng serbisyo sa iba't ibang platforms.
"Kapit lang sa mga nasa ABS-CBN. Di lang ito isang network, tahanan natin ito. Ipaglaban natin ang tahanan natin. Makakabalik din tayo."
