Ipinagdiinan ni Cindy Miranda na hindi siya ang "third party" sa paghihiwalay ng mag-asawang Kylie Padilla at Aljur Abrenica.
Magkapareha kasi sina Cindy at Aljur sa upcoming movie na Nerisa.
Tumaon ang promotion ng kanilang pelikula sa recent revelation ni Robin Padilla, ama ni Kylie, na hiwalay na ang kanyang anak at si Aljur.
Ayon kay Robin, third party ang dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa.
Dahil dito, ilang netizens ang mabilis na pinaratangan si Cindy na siya umanong third party.
CINDY REPEATEDLY DENIES THAT SHE IS THE THIRD PARTY
Ngayong hapon ng Biyernes, July 9, sunud-sunod ang pagsagot ni Cindy sa netizens upang pabulaanan na siya ang third wheel sa breakup nina Kylie at Aljur.
Nagkomento ang netizens sa Instagram post ni Cindy ng promotional photos nila ni Aljur para sa kanilang pelikula.
Diretsong tanong sa kanya ng isang Kylie-Aljur fan: “Did you break our kyljur?”
Sagot ni Cindy: “No. not me.”

Sabi naman ng isa pa, sana raw ay hindi siya ang third party sa paghihiwalay ng celebrity couple.
“I’m not,” paniniyak ni Cindy.

Komento ng isang netizen, sana ay trabaho lang ang relasyon nila ni Aljur at walang personalan.
Tatlong magkakasunod na “100” percent ang sinagot ni Cindy, indikasyong sang-ayon siya sa sinabi ng netizen.

“No” naman ang sagot niya sa ilan pang nagtatanong kung may katotohanan ang paratang sa kanya.
Sinang-ayunan din ni Cindy ang komento ng isang netizen na “nakakadiri at nakakababa ng pagkababae” ang pumatol sa lalaking may asawa.
“Tama!” sagot niya.

Magkakasunod na laughing emojis with tears naman ang sagot ng aktres sa komento ng netizen na “keyboard warriors” lang ang ibang nakikiusyoso at hindi updated na may pelikula lang sina Cindy at Aljur.

Makahulugan din ang sagot ni Cindy sa isang netizen na nagsabing “bagay” sila ni Aljur.
Ayon kay Cindy, ang chemistry nila ni Aljur ay nadala lang ng kanilang pag-arte.

Bago pasukin ni Cindy ang pag-arte ay kinoronahan siyang Bb. Pilipinas Tourism noong 2013.
Ka-batch niya sina Ariella Arida (Miss Universe 2013 3rd runner-up) at Bea Rose Santiago (Miss International 2013).
Kabilang sa mga pelikulang nagawa ni Cindy ay ang Adan (2019), Maria (2019), Ang Pambansang Third Wheel (2018), at No Boyfriend Since Birth (2015).
