Sa kauna-unahang pagkakataon, mapapanood na sa GMA-7 si Pokwang.
Sa Sabado, July 10, 2021, bibida sa Pokwang sa episode ng Magpakailanman na pinamagatang "Nanay Kontesera" na dinirehe ni Rechie del Carmen.
"Nakakakaba pero masaya kasi bumalik ako sa mga bagay na gusto kong gawin, at siyempre po hindi mawawala ang excitement sa project na ito," ekslusibong pahayag ni Pokwang sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng email.
Bibigyang buhay ni Pokwang ang kuwento ni Helen, isang inang maabilidad na gagawin ang lahat—mula sa pagtitinda, pangungutang, at pati na pagsali ng mga beauty contests—para lang itaguyod ang kanyang mga anak.
Kayod-kalabaw si Helen, lalo na't may kapansanan ang isa sa kanyang tatlong anak.
Sa kabila nito, naging tampulan ng pangungutya si Helen dahil sa paraan niya ng paghahanap-buhay para sa kanyang pamilya.
"Talagang bet na bet ko po yung role ko dito. I'm sure matatawa at maiiyak kayo, sinabi pa ni Pokwang.
Sa tunay na buhay ba ay kontesera si Pokwang?
"Dance contest ang madalas kong salihan noong bata pa ako, at lahat ng pa-fiesta at kahit sa TV."
May dalawang anak si Pokwang: si Ria Mae, mula sa previous relationship niya; si Malia, na anak niya sa American partner na si Lee O'Brian.
Paano ba si Pokwang as a mom?
"Inilalarawan ko ang sarili ko bilang isang ina na matatag, palaban, at survivor. Hindi nawawalan ng pag-asa at dasal."
Kaya naman, sa kabila ng mga pinagdaanang pagsubok ng komedyana ay parang ang dali niyang makabangon at makabawi.
TRABAHO SA PANAHON NG PANDEMYA
Mula sa ABS-CBN ay lumipat si Pokwang sa GMA-7, kung saan pumirma siya ng kontrata noong June 18, 2021.
Sunud-sunod ang proyekto ni Pokwang sa Kapuso Network, tulad na lamang ng Wish Ko Lang, Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento, at ito ngang Magpakailanman.
May mga artista na ayaw magtrabaho sa panahon ng pandemya, paano napapayag si Pokwang na mag-taping sa panahon ng pandemya?
"Masyadong marami na akong iniyak during the first lockdown and even bago pa magka-pandemic," pahayag ng 50-year-old star.
"Marami akong hindi nagawa bilang artista at bilang isang ina na kailangang maghanap-buhay, kaya timing na may mga biyayang dumating kahit may pandemic.
"Mas kailangan ng mga tao ang ma-entertain ngayon sa ganitong kalagayan natin. Mas kailangan nila ang mapaglilibangan, ika nga.
"So ingat lang at gabay from God na ilayo tayo sa karamdaman," ang sabi ni Pokwang.
