Ginantimpalaan ng promosyon ang garbage collector na nagsauli ng halos PHP200,000 cash na napulot niya sa basura.
Si Reny B. Corpuz, 46, mula sa Bgy. Macalong, ay dalawang taon nang contractual na garbage collector sa Urdaneta City sa Pangasinan.
Pero na-promote siya bilang casual employee matapos siyang makapulot ng malaking halaga ng salapi sa basura at nagdesisyong ibalik ito sa may-ari.
Sa Facebook page ni Urdaneta Mayor Julio Parayno III noong June 9, ipinost ng alkalde ang pagsasauli ni Reny ng napulot niyang PHP191,000 sa may-ari ng pera.
Caption dito: “Isang empleyado ng City Hall na si [Reny] Corpuz ang nakapulot ng pera na nagkakahalaga ng 191,000 pesos.
“Bilang pabuya sa kagandahang loob ni [Reny] na dating contractual, ngayon ay ginawa na syang casual ng ating butihing Mayor.”

THE INCIDENT
Nangyari ang insidente noong madaling araw ng Sabado, June 5, 2021, ulat ng Sunday Punch, isang online news outlet sa Pangasinan.
Kasama noon ni Reny ang isa pang garbage collector at ang driver ng garbage truck. Nakapuwesto si Reny sa taas ng truck.
Sa kuwento ni Reny, dakong ika-3 ng umaga, naghahakot sila ng basura sa may Barangay San Vicente.
Nang matapat sila sa isang convenience store, inabot kay Reny ang basurahan at ibinuhos niya ang laman nito sa taas ng truck.
Hindi napansin ni Reny ang laman ng isang plastic bag na kasama sa basura.
Nakita na lamang niya ito nang may liwanag na.
Paliwanag ni Reny sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Amianan, “Doon sa mga basura sa taas ng truck, nakita ko na may P500 na nakakalat doon. Kasi, ako sa taas ng truck.
“Ako ang tagabuhos ng basura.”
Sa ulat ng Sunday Punch, nakita ni Reny ang iba’t ibang denominasyon ng pera na nakapaloob sa paper bag.
Noong una, inakala raw niyang play money ang mga ito.
Matapos mapagtantong tunay ang pera, inuwi raw ito ni Reny.
“Kinausap ang kanyang maybahay at ang kanilang 20-anyos na anak na lalaki.
Napagkasunduan nilang ibabalik ang pera, pero namroblema kung kanino nila ito ibabalik dahil walang nakasulat na pangalan sa paper bag.
Kaya nagtungo sina Reny sa tanggapan ng mayor sa city hall.
Natunton na ang may-ari ng pera ay ang convenience store.
Napag-alaman na isinilid ng cashier ng convenience store ang pera sa isang paper bag.
Kasunod nito, isang general cleaning ang isinagawa sa establishment, at may aksidenteng nakatapon ng paper bag na naglalaman ng pera sa pag-aakalang basura ito.
Ayon sa may-ari ng convenience store, naibalik sa kanila ang pera nang buo.
Samantala, sinabi ni Reny na ang boss nilang si Emily Lucero, head ng Urdaneta City General Services Office, ang nagpaalala sa kanilang manatiling tapat sa trabaho.
Nakarating kay Mayor Parayno ang ginawa ni Reny, at bilang gantimpala, nagdesisyon ang alkalde na gawing casual ang status ni Corpuz.
“Mayroong promotion, of course—from contractual to casual—kaagad-agad. Nabigyan siya ng ganung status na ngayon,” paniniyak ni Lucero sa GMA Regional.
Ipinagmamalaki naman ng mga taong malapit kay Reny ang kabutihang ginawa nito.
Sabi ng ina ni Reny na si Aling Ismenia: “Ang itinuturo ko na huwag magnakaw. Pag may napulot kayo, miski ano, konti lang, alam niyo kung sino ang may-ari, ibalik niyo.”
Dugtong naman ni Emma, asawa ni Reny, mas malaki ang kapalit ng desisyon nilang ibalik ang perang napulot.
“Mas maraming blessings ang darating kesa yung amount ng money na napulot niya,” ani Emma.
