Isa si John Lloyd Cruz sa sumuporta kay Bea Alonzo sa paglipat ng aktres sa GMA Network.
Nagkausap sina Bea at John Lloyd sa pamamagitan ng Zoom call pagkatapos ng physical contract signing ng bagong Kapuso actress ngayong Huwebes ng hapon, July 1, sa EDSA Shangri-La Hotel.
Ito ay base sa Instagram post ng GMA executive na si Annette Gozon-Valdes. Magkasama sa Shangri-La sina Bea, Annette, at GMA Network First Vice President for Program Management Jose Mari Abacan.
Nasa Zoom call naman sina John Lloyd, Wowowin director Edgar "Bobot" Mortiz, at Mitzi Garcia ng GMA Program Management department.
Maririnig na sinasabi ni Bea kay John Lloyd, "Idan, makikita ba kita dito?"
Idan ang palayaw ni John Lloyd.
Sagot ni Annette, "Sabi ko nga, sumunod na siya, e!"
Hindi naman narinig kung ano ang sagot ni John Lloyd, pero sabi ni Bea dito, "Halika na!"
Kinongratulate din ni Direk Bobot si Bea sa pagpirma niya sa GMA-7.
Caption ni Annette sa kanyang Instagram post, "What a BEAutiful day"
Nag-post din si Annette sa kanyang Instagram story ng screenshot ng pag-uusap nila sa Zoom.
Pagtukoy niya kay John Lloyd, "Someone dropped by to say Hi!"

JOHN LLOYD-BEA LOVE TEAM
Kilalang magka-love team sina John Lloyd at Bea noong parehong nasa bakuran pa sila ng ABS-CBN.
Nagsimula ito noong 2002 sa Kay Tagal Kang Hinintay at sinundan ng anim na teleserye at walong pelikula.
Huli silang nagkasama sa bakuran ng ABS-CBN nito lang Martes, June 29, sa isang taped virtual round-table discussion kasama ang direktor na si Cathy Garcia-Molina para sa premiere night ng restored version ng Miss You Like Crazy.
Ngayong 2021, nakatakda sanang magsama muli sina John Lloyd at Bea sa isang pelikula ng Star Cinema na may titulong No Goodbyes. Subalit wala pang balita kung matutuloy pa rin ito pagkatapos pumirma ni Bea sa GMA Network.
Bago naman pumirma si Bea, nauna nang napanood si John Lloyd sa GMA-7 sa pamamagitan ng isang TV special na inisponsoran ng isang shopping app at iprinodyus ni Willie Revillame.
May balita ring gagawa ng dalawang TV shows si John Lloyd sa GMA-7 pagkatapos ng meeting kasama si Annette, na tumatayong board director ng GMA Network, programming consultant to the chairman/CEO, at GMA Films president.
Wala pang balita kung magsasama sina John Lloyd at Bea sa isang proyekto sa GMA-7, subalit nakalinyang gumawa ng pelikula si Bea kasama ang Kapuso actor na si Alden Richards.
May titulong A Moment To Remember, ito ay Philippine adaptation ng 2004 South Korean movie na halaw mula sa 2001 Japanese television series na Pure Soul.
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
