Ang maging United States Navy personnel ang dating pangarap ni Jay Manalo.
Muntik na itong matupad pero hindi nangyari dahil pag-aartista ang tunay na nakaguhit sa kanyang palad.
Ayon kay Jay, U.S. Navy draftee siya noong January 1992, ngunit hindi natuloy ang kanyang pag-alis sa Pilipinas dahil naiwan siya ng barko na sasakyan niya.
Balik-tanaw ni Jay: "Na-draft ako sa U.S. Navy, naiwan lang ako ng barko. January 30, 1992, birthday ko mismo, naiwanan ako ng barko sa Subic.
"Mga ilang buwan ko rin iniyakan iyon kasi ang tagal kong nag-apply na U.S. Navy 'tapos biglang naiwanan ako ng barko.
"Nasa Maynila pa ako, 8 a.m. kailangan na sa formation."
Nagplano rin noon si Jay na mag-migrate sa ibang bansa, pero hindi natuloy kaya naisip niya na may mas magandang plano ang Diyos para sa kanya.
Hanggang sa pinasok niya ang pag-aartista.
JAY MANALO CLARIFIES "PASAWAY" reputation
Taong 1994 nang nagsimulang lumabas sa pelikula si Jay, at napanood siya sa mga teleserye simula 1997.
Nagkaroon noon ng isyu na "pasaway" si Jay.
Pero ang hindi alam ng publiko, may valid reason siya, tulad ng nangyari sa taping niya para sa isang television series.
Paliwanag ni Jay: "Hindi ko na babanggitin kung saan network, kung sino ang nakatrabaho.
"Eight a.m. ang call time, 8 o'clock nandoon na ako.
"Kung ikaw ang nasa posisyon ko, kahit sinuman sa atin, kukunan ka ng eksena ng 4:30 a.m. the next day na nandoon ka lang sa location na isang eksena lang.
"Isa lang ang eksena, multo ka pa, ano ang mapi-feel mo?"
Gustuhin man raw niyang magpakapositibo noon, hindi niya maiwasang manghinayang sa tagal niyang nakatengga lang sa set.
Katwiran ni Jay: "Ako naman, nagpapasalamat ako. Libre yung agahan ko, tanghalian ko, dinner ko, midnight snack ko.
"Pero come on, sa buong araw, buong maghapon na iyon, marami pa akong puwedeng magawa sa bahay.
"Kung kukunan mo lang pala ako ng madaling-araw, pinabalik mo na lang sana ako ng madaling-araw."
Nasubok daw talaga ang pasensiya niya, at pakiramdam niya ay hindi nirespeto ang kanyang oras.
"Kung iyon ay pagsubok kung gaano kahaba ang pasensiya mo, kung paano ka makisama, kung paano ka makibagay...
"Hindi ko alam kung pagsubok ba iyon kasi paano ko kukuhanin ang respeto na manggagaling sa kanila?
"Sabi nga nila, you have to give respect to gain respect. Papaano naman kung hindi sa kanila nanggagaling ‘yon.
"Wala naman sila narinig sa akin. Nakuhanan na, tapos na, cut! Okey!"
Ano ang ginawa niya matapos kunan ang eksena?
Sabi ni Jay: "Hindi naman ako nag-walk out pero yung suot ko na galing sa kanila, sinira ko yung butones tapos lumabas na ako.
"Itinapon ko lang, wala naman silang narinig sa akin.
"Alam mo, tao lang tayo. Kapag alam nating mali, maipaglalaban natin. Minsan, kung hindi natin kailangan ipaglaban dahil hahaba lang ang usapan, tumatahimik lang.
"Ako mostly ganoon, tumatahimik lang."
Nagsimula ang showbiz career ni Jay bilang sexy actor.
Pero isa na siya ngayon sa mga iginagalang na artista dahil sa propesyonalismo niya at mahusay na pagganap sa mga role na ipinagkakatiwala sa kanya.
VIVA BABY
May bagong sigla ang acting career ni Jay ngayong 2021 dahil sa muling pagpirma niya ng kontrata sa Viva, ang entertainment company na nagbigay sa kanya ng malaking break sa showbiz noong 1994.
Ani Jay sa pagbabalik niya sa kanyang mother studio, "Ang Viva ang nagtiwala sa akin, ang aking talagang original na bahay, ang nagpakilala sa akin bilang Jay Manalo.
"Kung hindi dahil sa Viva, hindi ako magiging Jay Manalo. Sa kanila ako nag-start."