Bago pa man sumikat si Ivana Alawi bilang artista at YouTube star, nakaukit na raw sa puso niya ang maging breadwinner ng pamilya.
Sinabi ito ni Ivana sa kanyang vlog nitong Sabado, Hunyo 12.
Kasama sa vlog ang mga kapatid niyang sina Hash Alawi at Mona Louise Rey.
Tanong ni Mona kay Ivana: "Bakit mo dinecide na susuportahan mo yung buong family kahit ang young mo pa? Tapos hindi mo naman yun responsibility."
Mabilis na sagot ni Ivana, "Girl. I want to."
Hindi pa raw artista si Ivana ay determinado siyang kumita ng pera sa pamamagitan ng kanyang mga raket.
Nasubukan daw niyang mamigay ng flyers sa events noon.
Lahad ni Ivana: "Ako kasi yung tao na ever since lagi ko iniisip yung buong pamilya. Natural na sa akin.
"Nung nawala yung aming tatay, nung hindi kami sinusuportahan, nagpa-flyering ako, nagraraket para makatulong din sa pamilya.
"Dumating din yung time na wala akong naging raket kasi pangit ako."
Kumontra si Mona sa paglalarawan ni Ivana sa sarili noon.
"Uy, hindi totoo 'yan. My ate is beautiful," ani Mona.
Sabi naman ni Ivana, ang tinutukoy niya ay ang mga naranasang rejection sa trabaho.
"Uy, naging chaka... Gusto nila matatangkad. So, hindi ako pumapasa.
"And in fairness kay Mona, si Mona ang tumulong sa pamilya. Tapos nagpahinga din siya sa showbiz.
"So siyempre, hindi naman pwede si Mona lang."
Si Mona ay dating child star na napanood sa mga Kapuso teleserye tulad ng Munting Heredera (2011-2012) at Bukod Kang Pinagpala (2013).
Singit naman ni Hash, "If any one of us finds that much success, automatically each one will help each other."
Sang-ayon ni Ivana, "Kasi ganun kami pinalaki. Hindi kami pinalaki na maging makasarili. I'll always be here for you, guys."
Dagdag ni Mona, "We think as a family. Kaya I really look up to ate."
SEPARATION OF IVANA'S PARENTS
Filipina ang ina ni Ivana na si Fatima Marbella, at Morrocan ang ama niyang si Samier Al-Alawi.
Bata pa lang si Ivana nang maghiwalay ang mga magulang niya at nang magdesisyon ang kanyang inang bumalik sa Pilipinas.
Minsan ay umabot daw sa puntong halos wala na silang maulam dahil sa kawalan ng pera noon ng ina ni Ivana.
Kuwento ni Ivana sa Magandang Buhay noong April 2020, "Akala ng iba hindi ako dumaan sa hirap, hindi ako dumaan sa times na wala kaming makain.
"Dumaan din ako dun way, way back, pagdating ko sa Pilipinas.
"Yung mama ko laging nangungutang kasi wala kami makain.
"Dumating kami sa point na toyo at saka kanin kasi wala na siya mautangan.
"And I'm thankful kasi isa siyang stepping stone, e. Yun ang nagpu-push sa akin."
IVANA'S INHERITANCE FROM HER FATHER
Hanggang sa noong December 2018, muling nagkita si Ivana at ang kanyang estranged father.
Binisita ni Ivana ang ama na noon ay na-confine sa isang ospital sa Subic.
Madamdamin daw ang pagkikita ng mag-ama noon.
Pero sandali lang ang kanilang reunion dahil pumanaw ang ama ni Ivana dahil sa heart attack.
Bukas sa pagsasabi si Ivana na ipinamana sa kanya ng ama ang mga ari-arian nito sa Bahrain.
Ipinakita ni Ivana ang bahay nila sa Bahrain sa kanyang vlog March 2020.
IVANA'S RISE TO STARDOM AND SUCCESS IN VLOGGING
Noon ding taong 2018 nagsimulang magkaroon ng big breaks si Ivana sa showbiz.
Nakilala si Ivana sa telebisyon dahil sa supporting roles sa Precious Hearts Romances Presents Araw Gabi at FPJ's Ang Probinsyano.
Nasundan ito ng una niyang lead role sa Kapamilya prime-time series na Sino Ang Maysala? noong 2019.
Noong 2020 ay may nakapila nang panibagong teleserye para kay Ivana, pero tumanggi muna siyang mag-taping dala ng hindi inaasahang COVID-19 pandemic.
Sa kabila nito ay lumago naman ang YouTube ni Ivana na mayroon nang 13.3 million subscribers ngayon.
