Malungkot pa rin si Bayani Agbayani dahil sa pagpanaw ng kanyang ina na si Erlina Rogacion noong March 22, 2021.
Kumusta siya?
"Ay, okey naman po ako," sambit ni Bayani. "Salamat sa Diyos kasi before mawala si Nanay naihanda na ako ng Diyos sa pinakamasakit na maaaring mangyari.
"So, noong may nangyari na kay Nanay noong pumanaw siya, handang-handa na ang puso ko saka ang sarili ko dahil naihanda na ako ng Diyos.
"Although paminsan-minsan pumapasok sa isip ko si Nanay, naluluha ako.
"Pero kung hindi ko siya napaghandaan, baka devastated ako nang sobra. Kasi, ang Nanay ko talaga ang buhay ko, e.
"Ever since, noong nagsisimula pa lang ako, sobrang hirap buhay namin, e, siya na talaga iyong kasama ko.
"Awa naman ng Diyos, bago siya nawala naibigay ko iyong magandang buhay na dapat napunta sa kanya. Although, kulang pa.
"At ah, sana mas marami pa siyang mararanasan. Pero palagay ko may destiny talaga ang buhay ng bawat tao.
"At the end of the day, lahat naman tayo mawawala at magkikita-kita tayo. Ayon nga lang, siguro hanggang doon na lang talaga ang buhay niya."
Pumanaw ang ina ni Bayani dahil sa complications sa diabetes. Malaki ang pagpapasalamat ng komedyante na hindi tinamaan ng COVID-19 ang kanyang nanay.
Aniya, "Kahit nagpapabalik-balik siya sa ospital, at 82 na si Nanay, never siyang nagkaroon ng COVID. Hindi talaga siya tinablan. Talagang inalagaan siya ng Diyos. Kasi, napakahirap kapag may sakit siya, 'tapos may COVID pa siya.
"Walang makakapagbantay sa kanya. Walang makakahawak ng kamay niya."
Naging mapayapa din ang pagpanaw ng kanyang ina.
Kuwento ni Bayani, "Tapos, iyong pinapanalangin ko na sana mawala siya nang hindi siya magkakaroon ng pain, alam mo nawala si Nanay habang natutulog siya. Napakasarap ng pagkuha ng Panginoong Diyos sa kanya.
"Habang tulog siya, nawala siya. Kaya hindi na siya naghirap. At alam ko ngayon, masayang-masaya na siya. Hindi na siya nagkakaroon ng sakit sa katawan.
"Kasi, nagkaroon na ng complications ang diabetes niya. So, may mga pains na siya sa buong katawan niya. Kaya ngayon, okey na okey na siya."
BAYANI'S SCRIPTWRITING PROJECTS
Kahit na may pandemya, maraming plano si Bayani.
Kabilang na rito ang pagsusulat ng mga script, na ang ilan ay nabanggit na niya sa VIVA, na siya nang nagma-manage ng kanyang career.
Kuwento ni Bayani sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong April 26, 2021, "Opo, pahapyaw lang po kasi bago pa lang po kami nag-uusap-usap. At uh, napakahirap po kasi ngayon dahil puro Zoom ang meeting, e.
"Masarap kasing pag-usapan iyong mga suggestions na magkaharap talaga kayo, e. Kasi maikukuwento mo with gestures. Maikukuwento mo lahat. Madadala mo iyong papel.
"Pero nailahad ko na, nailatag ko na iyong iba kay Ma'am Veronique [del Rosario] noong nag-Zoom meeting kami.
"And hopefully, lahat naman ng plano ko sa buhay magaganap naman iyan in God’s time. Lahat iyan. Uh, pag kailangan nang maganap, magaganap iyan."
Sa ngayon ay handa si Bayani na tanggapin ang anumang opportunity na dumating sa kanya. Kabilang rito ang project na pagbibidahan ni Aga Muhlach.
Aniya, "So, kung ano iyong nandiyadiyan na opportunity igra-grab ko na muna. Kasi, iyong sa amin ni Aga, mga September pa kami.
"Iyong sitcom namin ni Aga ay iyong meron akong kapatid na iyon ang magiging leading lady niya sa sitcom."
