Si Angel Locsin na mismo ang nagkumpirma sa Instagram at Facebook post tungkol sa pagkasawi ng isang senior citizen na pumila sa community pantry na kanyang inorganisa.
Ang pinasimulang community pantry ni Angel ay itinakda ngayong araw, April 23, sa okasyon ng kanyang ika-36 kaarawan, at magtatagal sana hanggang sa April 25.
Hindi inaasahan ng aktres na dumugin ng maraming tao ang kanyang community pantry sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, madaling-araw pa lamang kanina.

Kabilang sa mga pumila ay senior citizens.
Sa kasamaang palad, isa ang nasawi sa kanila matapos daw may makainitan sa pila.
Siya ay ang 67-year-old na si Rolando dela Cruz.
Naisugod pa si Dela Cruz sa East Avenue Medical Center, pero idineklarang dead on arrival bandang 9:20 a.m.
Pahayag ni Angel, “Sa tingin ko, tama lang po na sa akin ninyo na marinig na totoo po ang balita na may inatake at namatay habang nasa pila ng community pantry.
“Senior citizen po siya na pumila daw po ng 3 a.m. at may nakainitan sa pila.”
Humingi na raw ng tawad si Angel sa pamilya ng nasawi.
Aniya, “Bago po ang lahat, humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po pinuntahan at nakapag-usap po kami nang personal ng mga anak niya sa ospital.
“At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila.
“Si Tatay po ay isang masipag na ama na nagtitinda ng balut.
“Hindi ko man po siya nakilala pero sa pagkakakilala ko sa mga anak niya ay mabuti po siyang ama at maayos nyang napalaki ang mga anak nya.”
“I WILL PRIORITIZE HELPING THE FAMILY”
Sa ngayon daw ay tinatapos na lamang nila ang lahat ng nabigyan ng stub para sa kanilang groceries at goods na ipinapamigay.
Dagdag ni Angel, “Ang iba po sa kanila ay xerox na ang order sheet nila pero nauunawaan po namin na lahat po ay hirap ngayon at tama lang po na mabigyan sila.
“Meron po kaming tinayong fast lane para sa seniors na tent na may upuan nung mapansin po namin na maraming senior citizens ang nakapila kaninang umaga.
“Pero hindi naman po ibig sabihin na ini-encourage po namin ang mga seniors na lumabas, at alam po natin na bawal po according sa IATF rules."
Hindi na rin daw itutuloy ni Angel ang pagbubukas ng kanyang community pantry bukas at sa Linggo. Ipamimigay na lang daw ang mga natirang grocery items sa mga nangangailangan.
“Pagkatapos po, ido-donate na lang po namin ang mga natitirang goods sa ibang community pantries at barangay.”
Inaako ni Angel ang responsibilidad sa nangyaring insidente at patuloy siyang humihingi ng tawad.
Sisiguraduhin daw niyang matulungan ang mga naiwang pamilya ni Dela Cruz.
Pagtatapos niya, “Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali. Sana po’y wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari.
“Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this.
“I am very very sorry.”
View this post on Instagram
ADMIRING ANGEL LOCSIN
Marami ang humanga sa mga ginawa ni Angel.
Una, malinaw na nakikita niyang matindi ang pangangailangan ng mga tao para sa basics na gaya ng pagkain ngayong pandemya.
Pangalawa, hindi na siya naghanap pa ng sisisihin sa kaguluhang umikot sa kanyang kawanggawa.
Pangatlo, sinunod niya ang mga hakbang na hinihingi ng local government: kumuha siya ng permit para sa kanyang pagbigay-ayuda, humingi siya ng tulong sa barangay, sa kapulisan, sa personal security.
Pang-apat, kaugalian na ni Angel ang tumulong kapag may bagyo at ibang sakuna, kasama na ang pagbagsak ng Covid-19, ngunit wala namang nangyari kaguluhang ganito.
