Kilig overload.
Ito ang reaksiyon ng netizens na napanood ang hindi inaasahang pagkikita nina Hash Alawi at Donnalyn Bartolome.
Si Hash ay nakatatandang kapatid ni Ivana Alawi.
Si Donnalyn ay singer-actress-vlogger na nakilala sa kantang "Kakaibe" at sa pelikulang Jacqueline Comes Home.
Noong March 5, may vlog si Ivana kunsaan hinamon siyang maging "yaya for a day," at inimbitahan niya si Donnalyn na maging katuwang niya bilang "yaya."
Ayon kay Ivana, may nauna siyang vlog kunsaan nabuking si Hash at napaaming may crush kay Donnalyn.
Kaya naisipan daw ni Ivana na sorpresahin si Hash sa biglaang pagdating ni Donnalyn.
Tagumpay si Ivana dahil speechless at natulala si Hash nang unang masilayan si Donnalyn sa kanilang bahay.
Panunukso ni Ivana kay Hash, "Tulala siya! Ano? 3,4, 5... Loading! Loading! Surprise! Your crush is in here, Ms. Donnalyn Bartolome!"
Lumipas pa ang ilang sandali bago nakapagsalita si Hash at saka pinansin kung bakit nakasuot ng maid's uniform si Donnalyn.
Nakangiting sagot ni Donnalyn, "Yaya. Mag-a-apply sana ako."
Sabi naman ni Ivana, "Kanina pa ako inuutusan niyan! May listahan pa! So naghanap ako back-up. Ano akala mo sa akin?!"
Nahiya si Hash at sinabihan si Donnalyn na hindi nito kailangan gawin ang "yaya for a day" challenge.
Kakatuwa na sobrang na-conscious talaga si Hash, at inako pa ang pagligpit at paghugas ng mga pinagkainan para hindi mahirapan si Donnalyn.
Halatang kinikilig din si Hash dahil hindi maalis ang ngiti niya kaya kitang-kita ang malalim na dimples ng binata.
Umabot pa sa puntong inasar siya ni Ivana, "Tago mo nga 'yang dimple, Bro!"
Pati ang nakababatang kapatid ni Ivana na si Mona Louise Rey ay tuwang-tuwa na makitang hindi makatingin si Hash kay Donnalyn.
Sinaway naman ni Hash ang ina na si Fatima Marbella nang sabihin nitong nagba-blush siya sa harap ni Donnalyn.
DONNALYN TELLS HASH: "HINDI AKO NANINIWALANG CRUSH NIYA AKO."
May dalang kilig din ang pahaging ni Donnalyn na tingin niya ay hindi siya talaga crush ni Hash.
Ani Donnalyn, "Pero hindi ako naniniwalang crush niya ako. Kasi hindi siya naka-follow sa akin sa Instagram."
Hirit ni Ivana, "Stalker kasi 'yan!"
Depensa ni Hash, "I don't use IG much. I use Facebook."
Napangiting tanong ni Donnalyn, "Naka-follow ka sa Facebook ko?"
Nahihiyang napa-oo naman si Hash.
Pero kinalaunan ay lumakas din ang loob ni Hash na magbitiw ng simpleng pick-up lines kay Donnalyn.
Habang naglilinis ng pool si Donnalyn, tanong ni Hash, "Donnalyn, marunong ka ba lumangoy?"
Sagot ni Donnalyn, "Oo."
Sabay hirit ni Hash, "Sayang certified pa naman ako mag-CPR."
Tawa nang tawa na sabi ni Donnalyn, "Totoo ba 'yan?! Narinig niyo yun?!"
Sa huli, pinaamin ni Ivana si Hash sa harap ni Donnalyn tungkol sa paghanga niya rito. Umamin din si Hash kay Donnalyn na matagal na raw niya itong nakita sa Facebook.
Sabi ni Hash, "You were on Facebook many years ago. Nagandahan ako sa iyo.
"And some of your vlogs... You seem nice and down-to-earth person. You seem genuine."
Nagbiro naman si Ivana na kung sakali ay boto siya kay Donnalyn para kay Hash.
Maya-maya pa ay seryosong sabi ni Ivana, "I like Donnalyn. She's nice."
Hirit ulit ni Hash, "Yeah, me too." 
HOW DONNALYN KNEW THAT HASH IS NOT FOLLOWING HER ON IG
Bago pa ang pagbisita ni Donnalyn sa bahay nila Ivana, gumawa siya ng reaction vlog tungkol sa hindi niya inaasahang pag-imbita sa kanya ni Ivana na magkaroon sila ng collaborative vlog.
Natanggap daw ni Donnalyn ang mensahe mula kay Ivana noong mismong Valentine's Day, February 14.
Hindi pa alam noon ni Donnalyn na "yaya for a day" challenge ang gagawin nilang vlog ni Ivana.
Pero kuwento ni Donnalyn, nabanggit sa kanya ni Ivana na may crush daw sa kanya si Hash.
Kaya pinanood ni Donnalyn ang "Sagot o Lagot" vlog ni Ivana noong February 10, dahil dito napaamin si Hash na crush niya si Donnalyn.
Napangiti si Donnalyn nang mapanood ang sinabi ni Hash na nagandahan ito sa kanya at tila pina-follow na siya sa Facebook mula noong "teenager days" niya.
Sabi pa niya tungkol sa binata, "Ang lalim ng dimples. Sana all."
Pinanood din ni Donnalyn ang Instagram Story ni Ivana kunsaan tinutukso si Hash sa pagkakaroon nito ng crush kay Donnalyn.
Na-touch si Donnalyn nang makitang kinanta pa nina Mona at Fatima ang kanta ni Donnalyn na "Kakaibe."
"Grabe! Aww... Nakaka-in love naman itong family na ito," ani Donnalyn.
Sa bandang huli, naisipan ni Donnalyn na tingnan ang Instagram ni Hash, at dito niya nakitang hindi naka-follow sa kanya ang binata.
Sabi niya, "I think tsina-char lang ako ni Hash. Baka hindi naman ako crush. Hindi niya ako pina-follow, guys."

Inilabas ni Donnalyn ang vlog niya na ito nitong March 10—o limang araw pagkatapos maipalabas ang vlog ni Ivana.
Sa madaling salita ay hindi pa personal na nagkita noon sina Donnalyn at Hash.
Pero nang magkita na sila sa vlog ni Ivana, nilinaw naman ni Hash na aasarin siya ni Ivana kapag may mga bago siyang pina-follow na babae sa Instagram.
Pero ngayong personal na silang magkakilala ni Donnalyn, nagsabi si Hash na ipa-follow na rin niya ito sa Instagram.
