Masaya na muli ang buhay pag-ibig ng Filipino-German part-time actor-model na si Clint Bondad, 26.
Ang pangalan ng kanyang nobya ay Mia.
Noong March 4, 2021, ibinahagi ni Clint ang workout date nila ng kanyang kasintahan na tulad niya ay may lahi ring German.
Makikita sa video na ginawa nila ang kanilang workout routine sa isang "German forest" na malapit daw sa Frankfurt.
Sa Frankfurt, Germany ang hometown ni Clint.
Proud boyfriend si Clint na nag-post din ng litrato nila ni Mia mula sa kanilang workout date.
Parehong matamis ang ngiti ng magkasintahan habang nakasandig si Mia sa balikat ni Clint.
"Fittest Chick in Town," tukoy ni Clint kay Mia.
Noong February 14, Araw ng mga Puso, kinumpirma ni Clint na kasintahan na niya ang German girl na tinawag niyang "mein Herz" sa wikang German, na ang ibig sabihin ay "my Heart."
Sabi sa caption ni Clint, "You charge me up Happy Birthday and Valentine's, mein Herz."
Nakasiksik si Mia sa dibdib ni Clint para sa kanilang litrato na tila kuha sa paglalakad-lakad nila sa lugar nila sa Germany.
CLINT'S PAST RELATIONSHIP WITH CATRIONA
Lumalabas na positibo ang disposisyon ni Clint ngayon kumpara noong Hulyo 2020 o walong buwan ang nakararaan.
Maiksi na rin ang buhok at balbas ni Clint ngayon.
Hindi kaila sa publiko na nag-trending ang mga kakaibang Instagram posts noon ni Clint, pati na ang pagpadala niya ng Instagram direct message kay Sam Milby.
Si Sam ay ang current boyfriend ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, na ex-girlfriend naman ni Clint.
Anim na taong naging magkarelasyon sina Clint at Catriona hanggang sa naghiwalay sila noong last quarter of 2018.
MOVING FORWARD
Mukhang tuluyan nang iniwan ni Clint ang nakaraan base sa saya niya ngayon sa piling ng bagong nobya.
May sweet message pa si Clint para kay Mia nitong March 2, 2021.
Kalakip ng solo picture ng binata, ito ang caption sa Instagram post ni Clint: "Du bist das was ich brauche Baby" na ang ibig sabihin ay "You are what I need Baby."
Huling napanood si Clint sa Kapuso prime-time series na Love You Two, na umere noong April hanggang September 2019.
Nang matapos ang kanyang kontrata sa GMA Network ay naiulat na higit siyam na buwang nanatili sa Thailand si Clint.
Napabalitang tumira siya noon sa isa sa mga bahay ng malapit na kaibigan niyang Thai billionaire na si Jakkaphong "Anne" Jakrajutatip.
