Sa pamamagitan ng isang cryptic post, sinagot ni Ian Veneracion ang pag-uugnay sa kanya sa aktres na si Sue Ramirez.
Nag-ugat ito sa pagpapangalan ng ilang netizens kina Ian at Sue na siya diumanong tinutukoy sa blind item ng PEP Troika tungkol sa isang guwapong aktor na tila hilwalay na raw sa asawa at pinatos ang isang magandang starlet.
Nilinaw naman ng PEP Troika na hindi sina Ian at Sue ang laman ng kanilang blind item na lumabas noong January 24.
Ngayong Miyerkules, January 27, isang photo message ang ibinahagi ni Ian sa kanyang Instagram followers.
Wala man siyang pangalang tinukoy, halatang nairita ang aktor sa mga tsismis na kumakalat sa social media.
Nakasulat dito: “I don’t want to normalize people exploiting our personal lives for their entertainment.
“I don’t need to defend myself from the lies of perverts.”
Sa caption, ipinahiwatig din niyang masaya ang kanyang married life.
Sabi ni Ian: “Once upon a time I was pissed. #happilymarried”
View this post on Instagram
Kasal si Ian kay Pam Gallardo, isang industrial engineer, mula pa taong 1997.
Mayroon silang tatlong anak: sina Draco, Deidre, at Duccio.
JAVI BENITEZ DEFENDS GIRLFRIEND SUE FROM BASHERS
Nauna nang dinepensehan ni Javi Benitez ang girlfriend na si Sue laban sa maling impormasyong ipinapakalat ng ilang netizens.
Sinagot niya ang isang netizen na nagkomento sa post ng aktres sa Instagram noong January 23.
Sabi ng netizen: "@sueannadoodles kamusta secret relationship nyo ni @ianveneracion1? @javibenitezzz”
Sabi ni Javi, hindi ganung klaseng babae ang kanyang nobya.
Hindi rin daw "starlet" si Sue na isa sa clues ng lumabas na blind item.
Sagot ni Javi sa basher, “hindi starlet si Sue at hindi siya ganyang babae. Mali hula niyo kaya itigil niyo na yan.”
Wala pang reaksiyon si Sue ukol dito.
Gumaganap na mag-ama sina Ian at Sue sa weekly TV5 sitcom na Oh My Dad!
