Napasubo si Kim Chiu sa pagbigay ng mensahe para sa kanyang ex-boyfriend, na hindi niya pinangalanan pero mahihinuha kung sino ang pinatungkulan.
Nagkakatuwaan kasi sila ng co-hosts niyang sina Vice Ganda at Vhong Navarro sa Kapamilya noontime show na It's Showtime noong Miyerkules, December 9.
Usapan sa segment na "Tawag Ng Tanghalan" kung ano ang reaksiyon nila kapag nakasalubong ang kanilang ex kasama ang bagong karelasyon nito.
Pambubuyo ni Vhong, "Si Kim!"
Hirit ni Vice, "O, sige. Ikaw muna Kim Chiu!"
Natatawang iwas ni Kim, "Bakit ako? Hindi ako kasali diyan, ha!"
Pero napilitan din si Kim na humirit ng biro para sa kanyang ex-boyfriend.
Sa showbiz, ang kilalang naging ex-boyfriend ni Kim ay si Gerald Anderson.
Tila may lamang hirit ni Vice kay Kim, "Nakasalubong mo siya... magkasama silang dalawa."
Tawa nang tawang hirit ni Kim, "O, e, di kayo na! Hahaha!"
Mataas ang tono ng pagbitiw ng salita Kim, kaya napatanong si Vhong, "Ay, mataas kaagad?"
Sabi ni Kim, "Oo, dapat ganun!"
Ano naman ang gagawin ni Kim kapag nakasalubong niya sa mall ang ex-boyfriend ka-holding hands ang bagong karelasyon nito?
Biro ni Kim, "kakalabitin" niya ang ex-boyfriend saka sasabihan ng "E, di wow!"
Sabay humalakhak ulit ang bubbly actress.
Hirit nina Vice at Vhong, "At dahil diyan Kim, eto sila!"

Nagmuwestra pa si Vhong na kunwa'y dumating sa studio ang unnamed couple na pinatutungkulan ni Kim.
Sa kaso ni Vice, nakaisip siya agad ng witty line sakaling mahakarap niya ang dating karelasyon at kung sinuman ang bagong minamahal nito.
Ang kakausapin daw ni Vice ay ang bagong karelasyon ng dating nobyo.
Nag-emote na sabi ni Vice, "Oy, pakisabi sa dyowa mo, 'Salamat. Salamat dahil noon ako yung pinili niyang i-give up. At nung pinili niya akong i-give up, nakatagpo ako ng level up."
Bumilib si Kim sa punchline ni Vice at sinabing ganun din daw ang gusto niyang sabihin sa girlfriend ng kanyang ex-boyfriend.
Napatiling sabi ni Kim, "Ay, gusto ko rin ganyan din! Iyan na lang din pala yung akin! Paki-copy paste na lang!"
Natatawang sang-ayon ni Vice, "O sige, isi-share ko sa iyo! Text-text!"

SCROLLING THROUGH GERALD ANDERSON'S INSTAGRAM
Hindi ito ang unang pagkakataong pahapyaw na nabanggit sa It's Showtime ang ex-boyfriend ni Kim.
Noong October 28, tahasan pang binanggit ang pangalan ni Gerald sa show.
Naglaro kasi si Kim sa "Mas Testing" segment ng It's Showtime at pinatawan ng kuwelang parusa o tinatawag nilang "FUNishment."
Base sa spiels mula sa show staff, inutos ni Vice kay Kim na i-like ang 20th at 24th post ni Gerald sa Instagram.
Umalma si Kim, pero pumayag na rin dahil "game" lang naman.
Nagpasintabi pa noon si Kim sa kanyang current boyfriend na si Xian Lim na "katuwaan" lang ang gagawin niyang FUNishment.
Habang nag-scroll down si Kim sa Instagram feed ni Gerald, hindi inaasahang humirit siya na baka bumungad daw sa kanya ang litrato ni Julia Barretto.
Pero binawi rin ni Kim ang kanyang sinabi nang tumahimik sa studio.
“Ay, bawal ba? Hahaha! Sorry!” saad ni Kim.
Nag-peace sign pa ang aktres at saka sinabing, “Ay, si Bea Alonzo pala!”
KIM AND GERALD'S SEPARATE LOVE LIVES
Apat na taong naging magkasintahan sina Kim at Gerald bago sila naghiwalay bandang April 2010.
Noong taon ding iyon nagsimulang mabuwag ang kanilang onscreen love team, na nabuo matapos nilang maging housemates sa ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother Teen Edition 1 noong 2006.
Matagal nang naka-move on sina Kim at Gerald sa kani-kanilang personal na buhay.
Si Kim, 30, ay masaya sa piling ng longtime reel-and-real-life sweetheart na si Xian Lim. Walong taon na silang magkasintahan.
Si Gerald, 31, naman ay dating nakarelasyon sina Maja Salvador at Bea Alonzo.
Sa kasalukuyan, nauugnay si Gerald kay Julia Barretto pero parehong tikom ang bibig ng dalawa tungkol dito.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
